Noong nasa kolehiyo ako at sumali sa UP Journalism Club, laging ipinagmamalaki ng aming organisasyon na isa sa mga naging unang kasapi namin ay si Jose Maria Sison, kilalang manunulat, makata at rebolusyunaryo. Bilang paghahanda sa aming ika-50 anibersaryo, humingi kami sa kanya ng isang pahayag. Ipinadala naman niya sa e-mail ang kanyang pagbati, at sinabi pang naging pangulo rin siya ng JournClub.

Noong nasa media na ako, minsan ko ring na-interview sa e-mail si Prof. Sison–o Joema–para sa ginawa kong isang report tungkol sa relihiyon at rebolusyon. At nang nagtatrabaho na ako bilang mananaliksik sa telebisyon, nakausap ko rin siya sa telepono upang hingan ng komento tungkol sa katauhan ng dating aktibista at ngayo’y pinuno ng Jesus is Lord Church na si Brother Eddie Villanueva, na tumakbo sa pagkapangulo noong 2004.

Siyempre, karangalan para sa akin na makatalastasan ang isang sikat na lider na katulad ni Joema. Isa siya sa mga pinakakilalang nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas. Ilang henerasyon ng mga manunulat at aktibista sa loob at labas ng UP ang nabigyang-inspirasyon ng kanyang mga ideya at panulat. Kaya naman malaking balita para sa akin ang pagkakaaresto niya sa Netherlands noong Agosto 28 dahil sa umano’y pag-uutos sa pagpatay sa mga dating kasama sa kilusang kanyang pinamunuan.

Mula sa pamilya ng mga mayayamang panginoong maylupa sa Ilocos Sur, tinalikuran ni Joema ang maalwang buhay at hinamon ang umiiral na kaayusan sa ating lipunan. Sa UP, pinangunahan niya ang mga talakayan tungkol sa mga suliranin ng bansa sa kanyang pagsusulat sa Philippine Collegian at sa mga gawain ng Student Cultural Association of the University of the Philippines. Noong 1964, itinatag niya ang Kabataang Makabayan upang pagpunyagian ang ganap na pambansang kasarinlan at demokrasya. Ang kanyang mga organisasyon ay nanguna sa mga kilos-protesta laban sa kalabisan ng pamahalaan at nanawagan at kumilos para isulong ang rebolusyunaryong pagbabago sa ating lipunan.

Si Prof. Sison din ang pangulong tagapagtatag ng bagong Communist Party of the Philippines, na nagbibigay-direksyon sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan o New Peoples Army (NPA). Sa panahon ng diktadurya, nahuli at nakulong si Joema at naging biktima ng torture. Pagkatapos ng EDSA Revolution, nakalabas siya sa kulungan. Pero noong 1987, kinailangan niyang umalis sa Pilipinas dahil sa mga banta sa kanyang buhay. Sa Netherlands na siya nanirahan mula noon.

Muli na namang nasa piitan si Prof. Sison. Pero ang mga bintang sa kanya, ayon sa kanyang mga abogado, ay kasama na sa mga ibinasura ng Kataastaasang Hukuman ng Pilipinas sa desisyon nito sa kasong rebelyon ni Joema at iba pa noong nakaraang Hulyo.

Tuwang-tuwa naman ang mga opisyal ng rehimeng Arroyo sa pagkakadakip sa 68 taong gulang na propesor. Isa raw itong malaking hakbang para sa pagsusulong ng kapayapaan. Sinasabi ng military na si Sison pa rin ang pinuno ng CPP ngayon pero itinatanggi ito ng kilusang komunista. Dahil sa ibang mga gawain ng CPP-NPA, itinuturing ng ilang dayuhang gobyerno na terorista si Joema. Ngunit para sa maraming Pilipino, isa siyang lider at inspirasyon.

Terorista man o hindi ang tawag sa mga tulad niyang lumalaban sa imperyalismo at kumikilos para sa pambansang pagpapalaya, hindi maitatanggi ninuman–maging ng kanyang mga kritiko–na si Joema ay may mahalagang papel na ginagampanan sa kasaysayan ng ating bansa.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center