Kahit naabsuwelto siya sa kasong perjury, guilty naman ang hatol ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Ayon sa desisyon ng korte, ang paulit-ulit na ang pangongolekta ni Erap ng umabot sa mahigit 50 milyong pisong suhol sa jueteng sa tulong ni dating Ilocos Gov. Chavit Singson at iba pang mga kasabwat ay sapat na para maideklarang nagkasala si Erap sa krimeng plunder.
Pero maliban pa riyan, nangolekta rin siya ng komisyon mula sa pagbebenta ng Government Service Insurance System at Social Security System ng Belle shares.
Reclusion perpetua o pagkabilanggo nang hanggang 40 taon ang hatol kay Erap. Hindi na rin siya puwedeng tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno kailanman.
Kung hindi lamang sa kasalukuyang pangkalahatang kalagayan ng ating bansa at lipunan — ang pagkakaroon halimbawa ng isang administrasyong ang pagiging lehitimo ay patuloy na hinahamon, at ang walang patumanggang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan — isa sanang napakagandang balita ang pagkakakulong kay Erap.
Sa kabila nito, kahit pa hindi ko maiwasang maawa nang makita ko ang mukha ng tumatanda nang pinatalsik na pangulo pagkatapos ng hatol sa kanya, bilang isa sa mga sumama sa EDSA People Power 2 ay natutuwa akong makita ang isang bunga ng pakikibakang iyon. Kahit na ang nakinabang sa EDSA 2 ay tuluyan nang tumalikod sa mga kanyang mga pangako at sa diwa ng pag-aalsa ng mga mamamayan sa EDSA, Mendiola at iba pang lugar sa bansa noong 2001, may hatid pa ring katiting na pag-asa ang tagumpay na ito sa kaso ni Estrada.
Katotohanan at katarungan ang isinigaw ng mga mamamayan noon sa EDSA 2. Gaano man kalabo at kakumplikado ang pangkalahatang eksenang nagsisilbing backdrop sa pagkakahatol kay Erap, may hatid pa rin itong aandap-andap na liwanag at pag-asang kaya rin pala nating magpakulong ng malalaking isda.
Sana lang, hindi magtapos sa pagkakahatol kay Erap ang lahat. Balang araw, sana’y katarungan din ang maging wakas ng mga kuwento ng Hello Garci, ng nawawalang mga pondo para sa abono, ng sunud-sunod na pagpatay sa mga nakikibaka para sa pagbabago, at sa iba pang malalaking eskandalong yumanig sa ating bansa sa mga nakalipas na taon.
Ang liwanag ng katarungan ay dapat suminag sa buong kapuluan, kahit pa sa madidilim na silid ng pinakamarangyang Palasyo sa bansa. Ayon nga sa paboritong kasabihan ng isang dakilang Pilipinang si Haydee Yorac, “Let justice prevail, though the heavens may fall.”
Guilty si Erap. Dapat nang matakot at manginig ang iba pang mga mukhang guilty!