Noong People Power 2, “guilty” ang hatol ng taumbayan kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa mga kasong bribery, graft and corruption, betrayal of public trust at culpable violation of the constitution na isinampa laban sa kanya sa di natapos na impeachment trial.

Pagkatapos ng anim na taon, guilty rin ang hatol sa kanya ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong dahil sa paulit-ulit niyang pangongolekta ng umabot sa mahigit 50 milyong pisong suhol sa jueteng sa tulong ni dating Ilocos Gov. Chavit Singson at iba pang mga kasabwat. Nangolekta rin siya ng komisyon mula sa pagbebenta ng Government Service Insurance System at Social Security System ng shares ng Belle Corporation.

Dahil dating pangulo, at upang maiwasan ang muling pagwawala ng mga tagahanga ng dating sikat na artistang naging pulitiko, sa halip na ikulong sa National Bilibid Prison ay hinayaan si Estrada na manatili na lamang sa kanyang rest house sa Tanay, Rizal. Di tulad ng mga mahihirap at pangkaraniwang bilanggo, nakakalabas din si Erap mula sa kanyang rest house arrest para dalawin ang inang maysakit at naka-confine sa ospital.

Kahit marami ang nagkibit-balikat lamang at nawalan na raw ng interes sa kaso ni Estrada dahil sa mas malalaki raw na kasalanan ng kasalukuyang rehimen, may mga beterano pa rin ng People Power 2 na natuwa sa naging desisyon ng Sandiganbayan. Sa nakalipas na kolum, isinulat kong “Gaano man kalabo at kakumplikado ang pangkalahatang eksenang nagsisilbing backdrop sa pagkakahatol kay Erap, may hatid pa rin itong aandap-andap na liwanag at pag-asang kaya rin pala nating magpakulong ng malalaking isda.”

Ngunit may mga puwersang nagnanais na tuluyang palingin ang aandap-andap na liwanag na ito.

Iilang araw pa lamang ang nakakalipas mula nang ibaba ang hatol, ang kalihim mismo ng Department of Interior and Local Government ang dumalaw sa kampo ni Estrada upang makipag-usap tungkol sa inaaalok na presidential pardon ng kasalukuyang administrasyon. Aba’y napakapalad na tao ni Pangulong Estrada! Nahatulan pero di nakulong, at may special delivery pa ng alok na kapatawaran!

Ganoon na lamang ba? Mangurakot ka man at mapatalsik, walang dapat ipag-alaala. Hatulan ka mang nagkasala, makakawala ka rin naman dahil patatawarin ka ng mga susunod sa iyo! Ang masama pa rito, si Ginang Gloria Macapagal-Arroyo, ang pangulong magpapatawad kay Estrada, ay nahaharap din sa kabi-kabilang akusasyon gaya ng pandaraya at paggamit ng pondo ng bayan para sa kampanya sa eleksyon at paglabag sa karapatang pantao. Kunsabagay, ito rin naman ang nagsisilbing paliwanag kung bakit kailangang gawin ito ni Gloria.

Ang nakapanlulumo at nakapagtataka, nakagagalit at nakapaghihimagsik, halos wala kang maririnig na anumang pagtutol sa ginagawang ito ng kasalukuyang administrasyon. Para bang normal na bahagi na ng kalakaran ng buhay na ang isang mandarambong ay siya pang lalapitan at hahainan ng kapatawaran. Ano na ang nangyari sa atin? Tuluyan na kayang binaluktot nina Erap at Gloria ang pagpapahalaga (values) ng buong bansa?

(Pinoy Gazette)

Related Works
12 Comments

Add comment

Privacy Preference Center