Habang isinusulat ito, bagamat nagkaroon ng pagsabog sa Glorietta 2 sa Makati na ikinamatay ng 11 katao, hindi pa rin matapus-tapos ang mainit na usapin ng umano’y suhulan sa Palasyo ng Malakanyang na naganap matapos makipagpulong si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga gobernador at congressman ilang linggo na ang nakakalipas.

Si Father Ed Panlilio, ang matuwid na gobernador ng Pampanga, ang nagsiwalat na nabigyan siya ng pera sa Palasyo pagkatapos ng nasabing pulong. Sinabihan daw siya ng kanyang aide na pagkatapos ng pulong ay mamamahagi ng perang magagamit para sa mga proyekto sa baranggay. Kaya naman nang iniabot ng isa pang gobernador sa kanyang aide ang pera, tinanggap nila ito. Kalaunan, sinabi ng paring gobernador na mukha ngang suhol ang ipinamahagi sa kanila. Sumulat na siya sa Malacañang upang humingi ng paliwanag. Itinanggi naman ng Palasyo ang pamamahagi ng pera.

Bagamat ilang congressman at gobernador ang umamin ding nakatanggap ng pera, karamihan sa mga dumalo sa magkahiwalay na pulong ay patay-tangging naambunan sila. Ang nakakatawa rito, nakuhan sila sa video ng isang estasyon ng telebisyon na may mga bitbit na bag kagaya ng pinaglagyan ng perang natanggap ni Fr. Panlilio.

Para sa mga proyekto sa baranggay raw ang pera. Sabagay, malapit na nga ang eleksyon sa baranggay. Kailangan nga namang i-project na makuha ang suporta ng mga pinuno ng pinakamaliit na unit ng gobyerno sa bansa. Kung hindi, sa dami ng kontrobersiyang kinakaharap ng administrasyong ito, baka pulitin ang rehimeng Arroyo sa kangkungan.

May mga haka-haka namang ang pera ay ipinamigay para patayin ang mahinang impeachment complaint na isinampa kamakailan sa House of Representatives laban kay Arroyo. Ayon naman sa iba, paunang padulas ito para mailusot na ang charter change.

Umamin man o hindi ang Palasyo, marami pa rin talaga ang mag-iisip na may naganap na suhulan. Kumbaga, sanay na ang mga tao. Maaalalang noong 2001 ay nabisto ang payola para maaprubahan ang power reform bill sa House. Noong isang taon, pati nga mga obispo ay napabalitang tinangka raw suhulan ng Palasyo para di nila suportahan ang impeachment.

Pero hindi lang pera ang iwinawagayway ng administrasyon para makuha ang gusto nito. Noong 2004, nang tumakbo sa pagkapangulo si Arroyo, kumalat din ang perang mula sa pondo ng abono para sa mga magsasaka na nagamit umano para sa kampanya ni Arroyo. Sa panahon ng kampanya, nalikha rin ang napakaraming trabaho: ang posisyon — tagawalis sa lansangan na nagkawalaan na pagkatapos ng eleksyon. Bumaha rin ng “Patubig ni Gloria” na kalaunan ay natuyo at mga PhilHealth cards na di na raw nabayaran.

Pati nga presidential pardon, panuhol na rin ngayon. Noong isang linggo, ipinagmamaktol ko sa kolum na ito ang wari’y kawalan ng malawakang pagtutol sa pagduduldulan ng rehimeng Aroyo ng presidential pardon para sa convicted plunderer na si dating Pangulong Joseph Estrada. Mukhang magkakaroon na ng kaganapan ang usapin ito. Kababawi lang ni Estrada sa Sandiganbayan ng kanyang motion for reconsideration, samantalang atat na atat na si Arroyo na patawarin ang pangulong pinatalsik ng People Power. Sa aking palagay, isa itong suhol sa kampo ni Estrada at sa kanyang mga tagasunod upang tigilan na nila ang pagkontra sa kasalukuyang gobyerno.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center