“Alam mo bang disappointed na disappointed kaming mag-asawa sa pagkakadakip kay Mang Satur nung nanonood kami ng TFC nung isang araw? Ganyan na ba talaga sa gobyerno natin, Ederic? Nakakayamot na talaga.”
Comment ito ni Ate Sienna, cyberfriend ko na nakabase sa Estados Unidos. Ang tinutukoy niyang Mang Satur ay si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, na nitong Marso ay inaresto at ikinulong dahil sa kasong multiple murder.
Noong isang taon, may natagpuan daw na mass grave ang military. Ang nakalibing daw roon ay mga rebeldeng pinatay ng mga kasamahan matapos mapaghinalaang deep penetration agents. Ayon sa military, si Ka Satur–dating lider komunistang dinala ang pakikibaka mula sa kanayunan tungo sa Kongreso–ang may pakana sa maramihang pagpatay na ito noong 1985. Pero ayon kay Ka Satur, nakakulong siya ng mga panahong iyon dahil sa paglaban sa diktaturyang Marcos.
Kung naging mahirap para sa dating peryodista ang buhay sa underground, di rin nagiging madali ang buhay sa mainstream bilang kinatawan ng Bayan Muna. Dahil sa kanilang paglaban sa mga sa tingin nila’y mali at di-makatarungang mga pakana ng gobyernong Arroyo, marami nang mga kapanalig ni Ka Satur ang nabulid sa dilim ng gabi. Kung ang mga kasapi ng Bayan Muna at mga kakamping organisasyon ay pinapaslang, ang mga lider naman nila ay pilit na pinipigilang magampanan ang kanilang misyon sa Kongreso.
Noong isang taon, kinailangang manatili ng tinawag na Batasan 5–si Ka Satur at ng mga kasamahan niyang aktibistang kongresista–sa gusali ng House of Representatives para maiwasan ang tangkang pag-aresto sa kanila. Sinampahan kasi sila ng gobyerno ng kasong rebelyon kaya ipinasailalim ng sila Kongreso sa protective custody upang di mahuli.
Nitong nakalipas na linggo, sapilitang kinaladkad, binuhat at itinulak ng mga pulis si Ka Satur upang madala siya sa Leyte at maiharap sa korte. Isinakay siya sa eroplano kasama ang asawang si Prof. Carolina Malay–guro ko sa Unibersidad ng Pilipinas–at ang kasamahang si Rep. Teddy Casiño. Pero nagdesisyon ang korte sa Leyte na panatilihin na lang muna si Ka Satur sa Maynila. Sa gitna ng biyahe, ibinalik din sila Maynila, at muling ikinulong si Ka Satur.
Nakakalungkot ang naging pagtrato ng mga pulis kay Ka Satur. Itinuring siyang masahol pa sa karaniwang kriminal sa kabila ng kanyang pagiging kinatawan sa Kongreso ng mga aping sektor. Lalong hindi mo aakalaing isa siya sa mga lider ng People Power 2 na nagpatalsik kay Joseph Estrada at nagluklok sa poder sa pangulong ngayo’y wala nang naaalala sa mga pangako niya noon sa EDSA.
Hindi tuloy ako nagtataka kung bakit ganoon na lang ang panlulumo nina Ate Sienna sa mga nangyayari.
Pero sa kabila ng lahat, di tayo dapat panawan ng pag-asa. Naalala ko noong mawalan ako ng pinakauna kong trabaho sa Manila Times–na pinamamatnugutan noon ni Ma’am Malou Mangahas–dahil nagsara ang dyaryo matapos mapilitan ang mga may-ari na ibenta ang dyaryo sa isang crony ni Pangulong Estrada. Sa isang pagtitipon ng mga taga-media noong kasagsagan ng isyu ng panggigipit sa Times, dumalo sina Prof. Malay at Ka Satur. Ipinakilala ako ni Ma’am Malay sa kanyang asawa at sinabihan ako ni Ka Satur–na matagal ding naging reporter ng lumang Manila Times bago siya maging aktibista at rebolusyunaryo–na huwag daw akong mawawalan ng pag-asa.
Nang araw na arestuhin si Ka Satur, napanood ko sa telebisyon ang anak niya at kaibigan kong si Anto, isa sa mga nag-asikaso sa amin ng mga kasamahan kong iskolar noon sa UP. Napaiyak si Anto habang sinasabing “Ang gusto lang naman namin ay maglingkod sa bayan.” Sa mga bintang sa kanyang ama, ito ang sinabi ni Anto: “I find it preposterous. He’s not capable of doing that.”
Tulad ng text message na di ko alam kung naipadala ko sa kanya noong isang taon habang di makalabas ang kanyang ama, gusto kong ibalik kay Anto at sa kanyang pamilya ang mensahe ng tatay niya sa akin noong labis kong dinaramdam ang pagkawala ng Manila Times: Huwag tayong mawawalan ng pag-asa.
(Pinoy Gazette)