Kahit nakakapagod, masaya ako’t nakauwi’t nakapagbakasyon ako sa Marinduque nitong nakalipas na Semana Santa. Bago ito, hindi bababa sa tatlong magkakasunod na Holy Week na ang lumipas na hindi ko nagugol sa amin sa Marinduque dahil sa trabaho ko rito sa Maynila.

Sa pagkakaalala ko, ang huling Semana Santa na ginugol ko sa Marinduque — maliban sa ngayong taon nga — ay noon pang 2002. Umuwi ako kasabay ang mga kaibigan ko sa Peyups.com. Medyo napahiya nga ako dahil parang penitensya ang biyahe. Matapos maghintay nang mahigit kalahating araw yata sa pier, nagmukha kaming mga refugees na may katiting lamang na espasyo sa sinakyan naming bapor. Pagdating sa Marinduque, namalagi kami sa isang isla at nag-overnight doon.

Kinabukasan, umuwi na ako sa aking lola sa amin sa kabilang bayan, samantalang naiwan ang mga kaibigan ko para manood ng Moriones Festival. (Ang Moriones Festival ay isang makulay na pagdiriwang na base sa alamat ni Longinus, isang Roman centurion na gumaling ang isang bulag na mata matapos mapatakan ng dugo ng ating Panginoong Hesukristo.)

Pagsapit ng Biyernes Santo, sumama kami ng dalawang pinsan ko sa prusisyon. Naging parang tradisyon na kasi sa amin ang dumalo rito upang magdasal — at manood ng mga tao, lalo na ng mga kadalagahan. Nang Biyernes Santong iyon, ginulantang din kami ng balita ng biglaang pagpapanaw ng artistang si Rico Yan — na paborito pa naming tatlo. Pagkatapos ng prusisyon, dumiretso kami sa isang kainan sa bayan upang ang kuwentuhan at balitaan ay sabayan ng ilang bote ng serbesa. At dahil kaunti lamang ang biyahe ng mga sasakyan sa amin, sa pag-uwi ay kinailangan naming maglakad. Pagdaan namin sa barangay na pinananahanan ng mga siga sa aming lugar, inulan kami ng mga bato!

Nitong Semana Santa 2007, sa wakas ay nakauwi ulit ako sa amin. Kahit tuloy-tuloy, may katagalan ang biyahe dahil natrapik sa parteng Quezon at Batangas ang bus na sinakyan ko. Tulad nang dati, ang prusisyon ang isa sa mga gawaing ‘di ko pinalampas. Kaya lang, ngayong taon, dalawa na lang kami ng pinsan ko. ‘Yung isa kasi, hindi maiwanan ang trabaho. Yung isa naman, nakapulupot ang girlfriend. Nakasama rin namin sa prusisyon ang mga kaibigan at dating katrabaho ng Mama ko sa simbahan. Ngayong taon, ‘di na rin kami naglakad, dahil may motor na ang pinsan ko. Nagulat din kami nang may may kubol ng Greenwich Pizza sa bayan. Siyempre, kumain kami roon. At pag-uwi, may inuman na naman!

Kinabukasan, dalawang handaan ang dinaluhan ko. Ang una’y ang tanghalian sa bahay ng kapatid ng lolo ko. Natuwa kasi siya dahil bumisita ang pamilya ng kanyang anak. Sa oras ng merienda, sa birthday party naman ng anak ng isang kapit-bahay ako tumungo. Masakit na ang lalamunan ko, pero tinira ko pa rin ang matamis na icing ng cake. Kinagabihan, may part two ang inuman naming magpipinsan.

Kung maayos — kahit matagal — ang biyahe pauwi ng Marinduque, penitensya naman pala ang biyahe pabalik sa Maynila. Habang naghihintay sa pagdating ng barkong sasakyan, nabilad ako at ang kasabay kong nanay ng batang nag-birthday sa gitna ng mainit na sikat ng araw, at kinailangan naming makipagbalyahan, makasakay lamang sa bus. At dahil ulit sa traffic, ang dati-rati’y may siyam na oras na dire-diretsong biyahe, naging 15 oras!

Kapag Semana Santa, karamihan ay nagtitika at nag-aayuno, at marami ang nagbabakasyon. Kayo, kumusta’ng bakasyon ninyo?

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Related Works
2 Comments

Add comment

Privacy Preference Center