Panahon na naman ng eleksiyon at tumataas ang tensiyon. Habang isinusulat ito rito sa Pilipinas, ilang araw na lamang at muling daragsa sa mga paaralan ang mga mamamayan upang ihalal ang mga nais nilang mamumo sa ating pamahalaan.
At hindi lamang mga Pilipino sa Pilipinas ang makakaboto. Dahil sa absentee voting law, pati ang mga overseas Filipino workers (OFW), mga mandaragat na Pinoy, at migranteng Pilipino ay puwede nang bomoto. Mahigit kalahating milyon ang overseas absentee voters ngayong taon. Kasali ba kayo sa kanila? Kasali man o hindi, hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo ang iba’t ibang eksena tuwing eleksiyon dito sa ating bayan.
Bago pa man ang simula ng election period, may kanya-kanyang gimik na ang mga kandidato upang magpakilala at matandaan ng madla. Makikita mo rin ang mga pamaskong pagbati at Valentine greetings na nagsabit sa mga kable ng kuryente sa mga kalsada. Doon nga sa malapit sa aming opisina, matagal din akong nanggigil sa streamer ng isang politiko na tumatabon sa view ng mga pedestrian sa traffic light. Ang iba naman, nakikisakay sa kasikatan ng mga sikat. Noong dumating ang isang mahusay sa boksingerong Pinoy mula sa isang matagumpay na laban, tila mga tuko kung makadikit sa kanya ang ilang politiko at bagong politiko–ang mga loko ay ayaw paawat!
Pagdating naman ng pagtatapos ng taning para sa pagpapasa ng certificate of candidacy, maraming eksena rin ang nakakaaliw at nakakabaliw. ‘Yung iba, may bitbit na asawang beauty queen, o mga artistang kaibigan at kamag-anak. May mga kandidato naman na kakaiba ang mga sinasabi–kesyo asawa ng pangulo ng Estados Unidos, o magbabayad ng mga utang ng Pilipinas. May iba namang pinagtatawanan dahil sa kanilang kasarian kahit na kung tutuusin ay mas qualified sila kaysa sa ilang politiko.
Pagdating naman ng kampanya, para nang pista. Ang iba, may kasamang ati-atihan, banda at artista. Ang mga artista, isinasama ang barkada. May mga rumaraket sa palengke. May mga nagpapatulong sa kanilang kuya at ate. May mga nagpipilit na gayahin ang punto ng lalawigang tinatakbuhan kahit hindi taal na tagaroon. Siyempre, may mga nagsisiraan at nagkakapikunan.
Nakakaaliw rin ang mga political ads sa telebisyon, na ginagastusan ng milyon-milyon. May mga kahit hindi kagandahan ang hitsura’y makikita mong nakangiti sa iyo tuwing ikalimang minuto sa telebisyon. May mga nagda-drama. May mga nagsisinungaling. May mga humihingi ng paumanhin.
Pagdating sa pagdidikit ng poster, halos lahat ay hindi sumusunod sa patakaran. Dikit nang dikit kahit saan, sa puno man iyan o bakuran ng may bakuran. Dahil sa tabunan, mayroon pang nagkakabugbugan.
Tuwing eleksyon, may iilang mga kandidatong hindi trapo–maka-Diyos, makabayan at makatao–pero hindi na nga sikat, wala pang pondo. Lagi na lamang silang hindi nananalo. Mukhang kahit ngayong Mayo, ang kalakarang ito’y hindi magbabago. May mga sektang nag-i-endorso kahit ng mga kandidatong walang karapatan sa gobyerno. Ang Simbahang Katoliko, bagamat hindi nag-i-endorso, nagbibigay naman ng pamantayan sa pagboto–na mukhang hindi sinusunod ng mga tao.
Noong 2004, na-Hello Garci tayo. Nabuko ang mga manloloko, pero huli na–kapit-tuko na sa puwesto ang umano’y nanalo. Pati ang mga kasabwat, ngayo’y kumakandidato. Ang ganito’y maulit kaya sa taong ito. Sana, hindi.
Sa mga eksenang ganito, hindi ba’t ang eleksyon sa Pilipinas ay nakakaloko?
(Pinoy Gazette)