Una sa lahat, tagahanga ako ni Marian Rivera. Ikalawa, bilib ako sa mga matinong mag-Filipino at maayos mag-English. At ikatlo, iritado ako sa mga Inglisero’t Ingliserang trying hard.

Kagabi ay napagkuwentuhan namin ng isang pinsan ko ang sikat na aktres na si Marian Rivera. Nabanggit niyang may imaheng bobita si Marian dahil sa kanyang pagsasalita ng English. Matiyaga kong ipinaliwanag na hindi dapat maging basehan ng katalinuhan ng isang Pilipino ang husay o hina sa pagsasalita ng wikang English.

Naging tampulan ng panunukso at panlalait si Marian nitong mga nakalipas na buwan matapos niyang sabihin sa isang interview na isa siyang psychology at wala naman siyang nakikitang problema sa noo’y kandidato pa lamang sa pagkapangulo na si Noynoy Aquino. Siyempre, ang ibig sabihin ni Marian, isa siyang psychology graduate. Sa UP, karaniwan nang marinig na “Journ ako” o “Journalism ako” kapag tinanong kung ano ang kurso ng isang estudyante, at wala namang natatawa kapag ang isa’y sumagot nang ganoon.

Puwede sanang sabihin ni Marian na “Psychology po ako.” Siguro, mas kaunti ang mawiwirduhan. May katangian kasi ang pagkakaayos ng “Isa po akong psychology” na maaring gamitin ng mga pilosopo at mga taong mapanukso. Kapag narinig ang “Isa po akong…,” ang salitang kadalasang inaasahan ng mga taong kasunod nito ay “doktor,” “artista,” o iba pang trabaho o propesyon. Ngunit dahil taal na Tagalog — bagamat mestisang Espanola ay laki sa Cavite si Marian — marahil ay sanay siya sa mas pormal at sinauang pagbubuo ng mga pangungusap.

Maliban sa isyu ng psychology, binabato rin si Marian dahil sa kakaibang pagbigkas niya ng mga salitang Ingles. Eh bakit naman aasahan nating perpekto ang English niya? Call center agent ba siya?

Dahil sanay tayo sa mga Amerikanong hilaw na halos sa ilong dumaraan ang mga salita kapag ginagamit ang wika ni Uncle Sam, nagiging katawa-tawa tuloy ang pag-i-English ni Marian. Wala itong pagkakaiba sa pang-uuyam nang marami sa pagta-Tagalog ng mga Bisaya. Para bang nakakalimutan natin na ang etnikong pinagmulan ng isang tao ay may epekto sa kung paaano niya sasalitain ang isang wikang hindi naman orihinal na sa kanya.

Ang kakulangan sa kakayahan sa pagsasalita ng English ay hindi kailanman magiging sukatan ng katalinuhan ng isang tao. Mas makikita ito sa kung paano ipinapahayag ng isang tao ang kanyang sarili sa sarili niyang wika. Ngayon, kung mabasa o mapakinggan natin ang mga panayam ni Marian sa Tagalog, at makitang walang ka-kwenta-kwenta ang sagot niya, ibang usapan na iyon. Pero base sa mga nabasa ko na, hindi ganyan si Marian.

O baka naman talagang loyal lang akong fan.

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center