Kung gusto mong magpakamatay, huwag mong hilahin ang buong bansa sa hukay. Sa halip, ang mga pagsubok ay pilitin mong lagpasan at labanan, at ang bawat tagumpay ay ialay sa iyong mga kababayan.
Muling nakilala ang Pilipinas sa buong mundo nitong nakalipas na buwan dahil sa dalawang malaking balita: ang pangho-hostage ng isang dating pulis sa isang bus na mga turistang taga-Hong Kong at pagkakapatay sa walo sa kanila, at ang muntik na sanang pagkakapanalo ni Maria Venus Raj sa Miss Universe.
Noong Agosto 23 nang umaga, pumutok ang balitang pinasok ni Rolando del Rosario Mendoza, isang pulis na idinismis ng Ombudsman, ang isang tourist bus na sinasakyan ng mahigit 20 turistang taga-Hong Kong. Ang demand ni Mendoza, ibalik siya sa serbisyo bilang pulis.
Natanggal si Mendoza at apat pang kasamahang pulis matapos matagpuan ng Ombudsman na nanghulidap at pwersahang nagpalunok ng shabu noong 2008 sa isang Christian Kalaw, na chef daw sa isang malaking hotel. Bukod sa pagkakasibak sa serbisyo, tinanggalan din ng karapatan sa retirement pension sina Mendoza. Bago masangkot sa hulidap, nakatanggap na si Mendoza ng mga medalya at award bilang pulis.
Tumagal nang 11 oras ang hostage crisis. Mula sa pagiging kalmado, nagsimulang mamaril ng mga bihag si Mendoza matapos mapanood sa TV ang pagwawala ng kapatid niyang pulis din na inaresto dahil nakakagulo na raw sa negosasyon. Inatake ng SWAT ang bus at napatay nila si Mendoza, ngunit walong hostages din ang nagbuwis ng buhay.
Sa desperasyon ni Mendoza na mabawi ang pansariling karangalan at seguridad, idinamay niya ang mga dayuhang nais lamang na makita ang ganda ng Pilipinas. Sa kanyang pagbagsak, hinila niya pababa ang bansa — lalo niyang pinasama ang di na magandang pagtingin ng buong mundo sa mga Pilipino.
Samantala, matapos makuha noong Marso ang korona bilang Binibining Pilipinas-Universe 2010, binawi ito ng organizer kay Maria Venus Raj, na anak ng amang Indian at inang Pilipina. May inconsistencies daw kasi sa birth certificate at personal niyang kuwento ng kanyang pagkakapanganak. Ipinaglaban ni Raj ang kanyang korona at ang karapatang maging kinatawan ng Pilipinas sa pinakatanyag na paligsahan ng kagandahan sa buong mundo.
Sa tulong ng legal volunteers at sa suporta at interes ng publiko, nabawi ni Raj ang korona nang bigyan siya ng Department of Foreign Affairs ng Philippine passport, patunay na isa siyang Pilipino. Sa simula pa lang ng paligsahan sa Miss Universe 2010, paborito na ng marami si Raj. Nanguna siya sa survey sa website (sa tulong marahil ng mga Pinoy online), at nakaabot hanggang sa top 5 sa actual na paligsahan.
Sa final na question and answer portion noong Agosto 24, tinanong si Raj ni William Baldwin: “What is the one big mistake you’ve made in your life and what did you do to correct it?”
“You know what, sir, in my 22 years of existence, I can say that there’s nothing major major problem that I’ve done in my life because I’m very confident with my family, with the love that they are giving to me. So thank you so much that I’m here. Thank you, thank you so much!” ang sagot niya.
Dahil sa major major niyang sagot, naging 4th runner up lang si Raj. Sa kabila ng mga kritisismo, masaya niyang tinanggap at ibinahagi ang karangalan kanyang mga kababayan.
(Pinoy Gazette)