May dumating na kaibigan kamakailan ang tiya kong nasa Germany. At alam n’yo naman tayong mga Pinoy, mahilig sa mga padala. Kaya ipinakisuyo ng tiya ko sa kaibigan nila ang isang cellular phone na pinaglumaan na ng mga pinsan kong teenager. Para sa akin iyon dahil alam nilang adik ako sa cellphones. Ilang araw matapos nakatakdang dumating sa Pilipinas ang kaibigan ng tiya ko, hindi pa rin niya ako kinokontak para malaman ko kung paano kami magkikita at nang mapasakamay ko na ang bago kong lumang cellphone.

Pero kung iniisip ninyong ini-scam kami ng kaibigan ng tiya ko, nagkakamali kayo. Bakit naman pag-iinteresan ng isang balikbayan ang isang second-hand na cellphone? Ang nangyari pala, hindi lang pala niya nabasa nang maayos ang pagkakasulat ng tiya ko sa cellphone number ko. Ambait-bait nga ng kaibigan niya — pinag-Coke pa ako at chinika.

Sa aming kuwentuhan, nagkahingian siyempre ng contact details. Ibinigay ko ang e-mail address at website/blog ko. Nalaman niyang mahilig din ako sa Internet. Sa puntong iyon, may ipinakita siyang mga dokumento sa akin. Nakatanggap daw kasi siya ng e-mail message na nagsabing nanalo siya sa lotto sa China. Aba’y sino naman ang hindi mai-excite na sabihing nanalo ka sa lotto? At ang papremyo pa’y may kalahating milyong dolyar, kung tama ang pagkakaalala ko. Siyempre, sinagot niya ang e-mail na humihingi ng detalye niya gaya ng address at bank account number. Nang muling sumagot ang tagapaghatid ng naka-i-excite na balita, kalakip na ang mga dokumentong ipinakita niya sa akin: ang sertipiko ng pagkakapanalo raw niya, at ang dokumentong resibo raw ng money transfer. Parehong mukhang peke yung mga dokumento.

Siyempre, tinanong ko siya kung may sinalihan o tinayaan ba silang lotto kamakailan, lalo na sa Tsina? Wala naman daw. Pero ayon sa nagpadala ng mensahe sa kanya, awtomatikong nakuha ang e-mail address niya. Anyway, inabangan niya ang limpak-limpak na salapi mula sa Tsina na ipinadala na raw sa ibinigay niyang bank account number ng kapatid niya. Pero alam naman natin — at siguro’y nahalata na rin nila kalaunan, na pumuti man ang mga mata nila’y walang perang darating sa kanila kahit pa isang singkong duling.

At palusot ng scammer na nag-e-mail na naman, kesyo hinarang daw ng tax ministry ng gobyerno ng Tsina ang money transfer. Kailangan daw bayaran muna ng “nanalo” ang buwis. Sabi naman ng kapatid ng kaibigan ng tita ko, eh di bawasin na lang sa perang napanalunan. Pero hindi raw puwedeng ganoon. By that time, malinaw nang tinatangka silang onsehin ng mga scammer mula sa Tsina.

Sa masalimuot na mundo ng Internet, maraming magaganda at kamangha-manghang bagay na matatagpuan. Ngunit naglipana rin ang mga mapagsamantala’t tampalasan. Kahit nga ako, na kung umasta’y akala mo’y kung sinong eksperto sa Internet, muntik na ring maloko ng ganyang scam. Mahusay at mukhang lehitimo naman kasi yung muntik nang manloko sa akin. Ang website niya’y professional ang dating, at nagkataon pang sa pagiging jologs ko’y sinasalihan ko lahat ng contest na pwede kong salihan sa Internet. Kung nagkataong may credit card na ako noong mga panahong iyon, tiyak na nalimas na kahit ang katiting na credit na natira sa card.

Sa susunod, talakayin natin ang ilang tips para di tayo maloko sa Internet. Kung may mga tips o parehong karanasan kayo, i-e-mail lamang ako sa ederic[at]tinig[dot]com o mag-comment sa www.edericeder.com.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center