Sa nakalipas na kolum, ikinuwento ko ang tungkol sa kaibigan ng tiya ko na pinagtangkaang lokohin ng mga online scammers mula sa Tsina. Pinadalhan siya ng e-mail ng mga manloloko at sinabing nanalo raw siya sa lottery. Nang tinanong ko kung may tinayaan ba silang anumang lottery sa Tsina, wala naman daw.

So ito ang una sa mga ipinangako kong tips para di maloko sa Internet:

Hindi ka mananalo sa lotto o raffle — sa Internet man o hindi — kung wala kang sinalihan o tinayaan. Common sense lang yan, di ba? Parang yung mga kumakalat na text messages dito sa Pilipinas: Sasabihin sa ‘yong nanalo ko sa raffle ng GMA Foundation — nanggagamit pa ng pangalan ng Kapuso network at ng ilang ahensiya ng gobyerno — matapos na mabunot ang iyong number. Yun pala, gusto lang makadekwat ng load, o kung mauuto ang napadalhan ng text, maaaring pera pa!

Kung may mayamang kamag-anak ka na namatay sa ibang bansa, bakit hindi mo siya kilala? May isa pang tipo ng online scam na pareho sa binanggit ko sa itaas. Ito naman yung mag-i-e-mail sa iyo at sasabihing may napakayamang namatay sa ibang bansa at napag-alaman nilang ikaw ang tanging tagapagmana. Bago ka ma-excite, itanong muna sa sarili kung bakit di mo kilala ang sinasabing namatay — aba’y ni hindi yata naikuwento ng mga magulang mo sa ‘yo.

Puwede rin namang sasabihin ng e-mail na wala silang nahanap na kamag-anak ng pumanaw, kaya napagpasyahan nilang ikaw na lamang ang gawing tagapagmana — basta hati kayo sa pera. Narito ang ilang bahagi ng ganyang e-mail na natanggap ko:

… After a month we sent a reminder,& finally we discovered from his contract employers NNPC,that Mr. Barry died in an automobile accident.On further investigation, I found out that he did not leave a WILL & allttempts to trace his next of kin were fruitless. I thereforemade further investigation & discovered that Mr. Barry did not declare any next of kin in all his official documents, including his bankdeposit paperwork.

… A bank account in any part of the world, which you will provide to facilitate the transfer of this money to you as the beneficiary. The money will be paid into your account for us to share in the ratio of 60% for me and 40% for you. There is no risk at all as the attorney and my position will do the paperwork for this transaction as the branch manager guarantees the successful execution of this transaction…

Pero isipin mo, sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit ikaw ang napag-trip-an nilang bigyan ng biyayang ito? Di ba kaduda-duda?

Walang namimigay ng pera o cellphone sa Internet; ano ka, sinusuwerte? May isa pang e-mail na ipapadala ng mga scammer. Kadalasan ay tungkol ito sa lider o diktador at magnanakaw sa ibang bansa na napatalsik pero nakapagkamal ng malaking kayamanan. Kesyo kailangan daw ng mapaglalagakan ng malaking kayamananan at ikaw ang napili nilang hingan ng tulong. Magpapadala raw sila ng malaking halaga sa iyo sa bangko at kapalit ng pagtanggap ng perang ito para sa kanila ay bibigyan ka nila ng malaking parte. Hawig ang estilo at instructions sa halimbawang nasa itaas.

Pero bago ka sumagot sa e-mail, isipin munang kung sakaling totoo iyan, baka masabit ka sa money laundering. At isa pa, kung magnanakaw ang mga iyan, asa ka pang aambunan ka nila ng nakulimbat nila. Ang mas posible riyan, gusto ka lang nilang yariin.

May isa pang e-mail na nagsasabing kapag ifinorward mo ito sa mga kaibigan mo, bibigyan ka ng pera o cellphone. Huwag agad maniwala. Oo’t mayroon talagang mga valid na contest para sa pagre-refer sa mga kaibigan ng isang produkto, pero yung sasabihing bibigyan ka ng cellphone o pera basta lamang i-forward mo ang e-mail, malabo iyon.

Gumamit ng BCC o blind carbon copy. Bakit ba nakuha ng mga tinamaan ng magagaling na iyan ang e-mail address mo? Minsan, kasalanan mo rin at ng mga kaibigan mong mahilig mag-forward ng kung anu-ano. Siyempre kapag nag-forward sila, masasama sa laman ng e-mail ang pangalan at e-mail address mo. Sa kaka-forward nang kaka-forward, maaaring napunta ang pangalan at e-mail address mo sa mga scammer at spammer.

Kaya kung ako sa iyo, para sigurado, kapag magfo-forward ka ng e-mail sa maraming mga kaibigan mo, gamitin ang “BCC” o blind carbon copy field sa halip na “To”. Sa gayon, hindi makikita ng iba kung sinu-sino ang mga pinadalhan mo. Tanggalin din ang address at pangalan ng naunang nagpadala, at hilingin mo rin sa kanila na kapag nag-forward sila, burahin din ang pangalan at e-mail address mo.

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center