Pumanaw si AnakPawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran, aktibista, lider-manggagawa, at mambabatas, noong Mayo 20, 2008 habang ginagamot sa FEU hospital matapos aksidenteng mahulog sa hagdan habang bumababa mula sa pag-aayos ng bubong ng kanilang bahay.

Kilala natin si Ka Bel bilang aktibistang may makulay na buhay sa pulitika — at pula ang pinakamatingkad na kulay nito. Ngunit makulay rin ang kuwento nila ng kabiyak na si Ka Osang. Nagkakilala sila noong dekada 50, nang maglayas ang noo’y noong 15 taong gulang na dalagitang mula sa isang broken family at nakatira sa istriktong lola. Taxi driver naman noon si Ka Bel, 26. Sa kanyang pagtakas, ang taxing minamaneho ni Ka Bel ang nasakyan ng medyo tulala at walang sadyang pupuntahang si Ka Osang.

Nang magkaalaman ng kuwento, at sa kabila ng panghihimok ni Ka Bel na umuwi na lang si Ka Osang, nagpasya ang binatang isama na lang muna sa kanyang boarding house ang dalagita. Nakarating ang balita sa tatay ni Ka Osang, na galit na sumugod at binugbog si Ka Bel. Wala mang namagitan sa kanila, kinailangan din nilang magpakasal. At kahit noong una’y ayaw ni Ka Osang kay Ka Bel, kalauna’y natutunan niyang mahalin ang lalaki, at sila’y naging magkatuwang sa pakikibaka.

Si Ka Bel ay isang tunay na anakpawis at tapat na tagapagsulong ng kapakanan ng masa. Mula sa pagiging mensahero ng mga gerilya noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, nag-janitor siya upang makapag-aral. Nagtrabaho rin siya bilang gasoline boy, mensahero, bus driver at taxi driver. Sa edad na 20, sumama siya sa strike ng mga driver. Inatake sila ng mga pulis, tatlo ang napatay, at maraming nasugatan. Noon nagsimula ang halos buong buhay na pakikipaglaban ni Ka Bel para sa mga karapatan ng mga manggagawa.

Itinatag niya ang Amalgamated Taxi Drivers Association, at isa siya sa mga nagtayo ng Confederation of Labor of the Philippines at Kilusang Mayo Uno. Nakulong din siya noong dekada 80 dahil sa paglaban sa diktadurang Marcos, pero nakatakas siya. Nang paslangin si Ka Rolando “Lando” Olalia noong 1987, si Ka Bel ang pumalit bilang pangulo ng KMU. Tumakbo rin siya bilang senador ng Partido ng Bayan ngunit natalo. Naging tagapangulo rin siya ng Bagong Alyansang Makabayan.

Si Ka Bel ay isa ring matapang na kalaban ng katiwalian. Sa kanyang pamumuno, aktibong nakilahok ang KMU sa matagumpay na pagpapatalsik kay Joseph Estrada, na kalauna’y nakulong sa kasong pandarambong pero pinatawad ni Gloria Arroyo. Bago ang kanyang pagpanaw, aktibo rin si Ka Bel sa paglahok sa kampanya para mapagbitiw si Arroyo, na nahuli sa Hello Garci tape na nandaraya sa halalan noong 2004.

Bilang kinatawan ng mga party-list group na Bayan Muna noong 2001 hanggang 2003 at ng Anakpawis mula 2004 hanggang sa kanyang pagpanaw, isinulong ni Ka Bel ang mga panukalang gaya ng P125 na pagtaas ng sahod ng mga manggagawa at ang tunay na repormang agraryo. Pinatunayan rin niyang maaaring maging congressman nang hindi nangungurakot o nagpapayaman sa puwesto. Sa folding bed lang daw siya natutulog, at ang bahay na tinitirhan ng kanyang pamilya ay hinuhulugan pa lamang. Sa palagay ko, ang simpleng pamumuhay at tapat na paglilingkod, dagdag pa sa pagiging tunay na lider-manggagawa, ang mga matibay na pamana ni Ka Bel. Sabi nga ni Fr. Robert Reyes, “He died a poor and simple politician. He died repairing his own leaking roof. He died working, serving and not being served,”

Kaming mga peryodista ay nagluksa rin pagpanaw ni Ka Bel. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines: “Mr. Beltran was a tireless leader, advocate and ally of workers, including those in mass media. He was a fighter for press freedom and the right to free expression. As a legislator, he supported bills seeking to advance the cause of freedom of information. As a union leader, he stood by media workers on labor and welfare issues, once even joining the union of defunct Manila Chronicle at the picketline when it went on strike. On behalf of media workers and journalists, we extend our sympathies to Mr Beltran’s family and colleagues.”

(Pinoy Gazette)