Ang sabi ng isang salawikain, habang maiksi raw ang kumot, matuto tayong mamaluktot. Pero sabi ng mga kabiruan ko, kapag maiksi ang kumot, maghigpit ng sinturon. Siguro dahil biruan lang, pareho na rin yun.
Pero hindi biro ang tunay na nararanasan ng mga kababayan natin ngayon sa Kamaynilaan at iba pang bahagi ng bansa. Pataas nang pataas ang presyo ng bigas. Sabi ng nanay ng girlfriend ko, ang dating P21 kada kilo, ngayon ay umaabot na nang P31! Halos 50% ang itinaas, at patuloy pa itong tumataas.
Kinukulang din ang supply ng murang bigas na ipinagbibili ng National Food Authority (NFA). Ito yung binibili ng gobyerno sa presyong mas mahal pa kesa sa pagbebenta nila. Sa maraming tindahan ng NFA, pumipila nang mahabang oras ang mga tao mabili lamang ng hanggang tatlong kilong NFA rice sa isang araw. Noong isang araw, may napanood akong isang babaeng napaiyak na lamang matapos maubusan ng bigas pagkatapos ng matagal na pagpila. Naglakad naman daw ng sampung kilometro ang isa pang ginang para lamang makatipid sa pagbili ng tatlong kilong bigas.
Nakakalungkot makapanood ng mga ganitong karanasan ng ating mga kababayan. Maswerte ang mga gaya naming may maayos na trabaho at may regular pang supply ng bigas buwan-buwan mula sa aming kumpanya. Kaya naman noong una’y di pa namin maramdaman ang krisis. Ngunit dahil di naman kami mayaman, at may mga pagkakataong ang suweldo ay nagiging eksakto lamang hanggang sa susunod na payday o kaya’y inaabot pa ng pagkakataong dadalawampung piso na lamang ang natitira sa wallet, hindi mahirap maka-relate sa nararamdaman ng mga kababayan nating bumubuno sa krisis na ito. Ewan ko lamang kung nararamdaman din ng mga pinuno nating busog at maginhawa ang buhay ang nararanasan ng mga naghihirap na Pilipino.
Para maiwasan ang mga kaguluhan na unti-unti nang nasasaksihan sa pamamahagi ng bigas, naglabas ang gobyerno ng mga ID cards na kailangang ipakita ng mga bibiling NFA rice sa tindahang bayan. Sinampahan na rin ng kaso ang ilang Tsinong mangangalakal na pinaghihinalaang nagtatago ng bigas upang maibenta ito kapag mas lalo pang tumaas ang presyo. Ang opisyal na linya kasi ng gobyerno, wala raw namang krisis. Tumataas daw ang presyo ng bigas dahil sa mga hoarders — kaya napapadalas ang raids ngayon sa mga warehouse ng mga tindahan ng bigas.
May mga nagsasabi naman, tulad ng Ibon Foundation, na ang ang kasalukuyang krisis ay dulog ng mga mali raw na policy ng pamahalaan — gaya ng pagpapatupad ng liberalization at privatization. Para naman sa iba pa, baka raw ang krisis ay pakana rin ng pamahalaang Arroyo para malimutan ng mga mamamayan ang national broadband-ZTE scandal.
Pero ang malinaw, sa nakalipas na mga eskandalong gaya ng Joc-Joc Bolante scandal na kinasangkutan ng pamahalaang ito, bilyon-bilyong pisong pondong pang-agrikultura — na maaari sanang makatulong na maiwasan o malabanan ang kasalukuyang krisis — ang nawala at di pa naipaliliwanag hanggang sa ngayon. Sabi nga ni Senador Pia Cayetano sa telebisyon nang mabalitaan ang balak ni Gng. Gloria Arroyo na maglabas ng P43.7 bilyon para raw sa food security:
“We’re talking about P43 billion that the President wants to allocate. I computed the figures involved in the past scams: P750 million for the fertilizer scam, P2.25 [billion] for the swine fund, P3.1 billion for the irrigation fund, that’s already P6 billion that’s questionable. Then the administration will refuse to explain, will refuse to attend hearings, will go to court and have a case that says they will not go to the Senate?”
Habang maiksi ang kumot at tayo’y namamaluktot o naghihigpit ng sinturon, huwag din nating kalimutan ang mga lalong nagpapaigsi sa ating kumot at ang mga naghihigpit ng sinturon sa ating mga leeg habang muli’t muling nagsisinungaling sa pagsasabing sila’y naglalagay ng pagkain sa ating mesa at naglilingkod sa bayan.
(Pinoy Gazette)