“In exchange for a smattering of English, we yielded our souls.”
— Renato Constantino, The Miseducation of the Filipino
Binitawan kamakailan ni Binibining Pilipinas-World Janina San Miguel ang kanyang korona dahil daw sa ilang personal na dahilan. Dati nang may mga nagpetisyon sa Internet na palitan siya bilang kinatawan ng bansa sa Miss World dahil sa kakulangan niya ng kakayahang mag-English. Naging sikat pa nga sa YouTube ang video ng kanyang sagot sa question and answer portion ng beauty pageant.
Para sa maraming Pilipino, tila bukod sa boksing ay mga patimpalak ng kagandahan na lang yata — at ang husay sa pagsasalita sa English — ang pag-asa ng bansang ito.
Sa kabila ng payong mag-Tagalog na lamang, pinilit ni Janina na magsalita sa wikang banyaga. Sa isipan ng maraming Pilipino, isang maipagmamalaking kakayahan ang makapag-English. Kapag may gusto tayong i-impress o kaya’y sindakin, nag-i-English tayo. Nang minsang bumiyahe kami ng pinsan ko, di namin alam na may nakapuwesto na pala sa inupuan namin sa bus. Pagdating ng mga nakaupo roon, bumanat ang babae ng, “Excuse me, that seat is taken.” Medyo nagulat ako, pero napa-English na rin ako.
Ang nangyari kay Janina ay nakapagpaalala ng sarili kong karanasan. Pagkatapos ng People Power 2, may may mga foreigner na nag-interview sa akin dahil sa artikulo kong Tinig ng Generation Txt. Puwede naman daw akong mag-Filipino. Pero binanatan ko pa rin ng English. Semplang tuloy ako — awkward na sa harap ng kamera, baluktot pa ang dila.
Ngunit bakit nga ba gustung-gusto nating mag-English-an kahit tayu-tayo lang naman? Nakakaintindi naman ang karamihan sa atin ng Tagalog (o Bisaya, o Kapampangan, o Ilokano), pero bakit ang mga programang puro Pilipino ang dumadalo ay kailangang gawin sa English?
Malalim ang ugat ng ganitong gawi. Nang sakupin tayo ng mga Amerikano, ginamit nila ang edukasyon para sakupin di lamang ang ating bansa, kundi pati ang ating puso at isipan. Tinuruan nila tayo ng kanilang wika. At sa proseso, tinuran nila tayong maging kopya nila. Ayon nga kay Renato Constantino:
“English became the wedge that separated the Filipinos from their past and later to separate educated Filipinos from the masses of their countrymen. English introduced the Filipinos to a strange, new world. With American textbooks, Filipinos started learning not only a new language but also a new way of life, alien to their traditions and yet a caricature of their model. This was the beginning of their education. At the same time, it was the beginning of their mis-education, for they learned no longer as Filipinos but as colonials.”
May isang dantaon na ang nakalilipas, pero kitang-kita pa ang bakas ng pagiging kolonyal na ito. Di lamang sa wika o pananalita, kundi sa ating mga pinanonood, kinakain, iniidolo. Naging kakaiba — at kadalasa’y katawawa — ang sariling atin, at dakila ang sa dayuhan, lalo na para sa mga taong edukado.
Naging katawa-tawa para sa atin si Janina. Bobo raw siya, wika ng ilan. Ngunit ang ganoong panunuya ay bumabalik sa nagtuturo. Sapagkat di ba’t kabobohan din ang pag-iisip na ang katalinuhan ng isang tao ay masusukat sa wikang kaya niyang bigkasin? Hindi lamang kabobohan ang ganitong pag-iisip, kundi tanda rin ng misedukasyon.
(Ang artikulong ito ay medyo binagong version ng isang entry ko sa www.edericeder.com.)