Arkibong Bayan
Nagulat at nalungkot ang maraming Pilipino nang i-anunsyo ng mga anak ni dating Pangulong Corazon Aquino na siya ay may sakit na colon cancer. Walang nag-isip na ang dating pangulo, na sa edad na 75 ay walang pagod na nakikibaka laban sa katiwalian, ay may ganoong karamdaman. Sunud-sunod na mga rally at “mass for truth” ang dinaluhan ni Tita Cory bilang pagsasabuhay sa patuloy niyang panawagan para mailabas ang katotohanan sa kontrobersyal na ZTE deal na umano’y kinasasangkutan ng Unang Pamilya.
Siguradong nakakataba ng puso para kay Aquino ang pagbaha ng pagmamahal at panalangin matapos malaman ng sambayanan ang balitang ito. Mula sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan, sa mga nasa civil society, at mga simbahan, iisa ang hiling sa Diyos: ang agarang paggaling ng iginagalang na lider.
Kung siya’y iniluklok ng sambayanang lumalaban at nananalangin sa unang People Power noong 1986, ngayon ay muling ginagamit ang lakas ng panalangin para humingi ng milagro para sa kanyang paggaling. Ayon Sister Mary John Mananzan, tagapangulo ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines, “We will ask for a miracle. It is never wrong to ask for one.”
Nangako rin ng panalangin ang mga obispo, kahit marami sa kanila ang di sang-ayon sa panawagan para sa pagbibitiw ni Gloria Macapagal-Arroyo ng kilalang pandaigdigang simbolo ng demokrasya.
Sa kasagsagan ng Hello Garci scandal, nang umamin si Gloria na nakipag-usap siya sa isang opisyal ng Commission on Elections habang binibilang pa ang mga boto pagkatapos ng halalang 2004, ganito ang naging pahayag ni Aquino: “I will not judge the lapse of judgment that the President had the humility to confess but I cannot escape the conclusion that is plain for all to see: the country cannot continue in its present tumultuous state; good and effective government has become an impossible undertaking.” Muli niyang inulit ang panawagang magbitiw si Arroyo nang pumutok ang ZTE scandal.
Ang pagkakasakit ng dating Pangulo sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon ay nakapagbubunsod ng pagninilay-nilay sa papel na kanyang ginampanan at ginagampanan sa ating bayan. Naging simbolo at lider siya ng pinakamatindi at matagumpay na yugto ng pakikipaglaban ng bayan sa mapaniil at magnanakaw na diktador. Pinangunahan niya ang pagbabalik ng demokrasya sa ating bansa.
At bagamat ang administrasyong Aquino ay namantsahan din ng ilang malalaking kamalian gaya ng Mendiola massacre, pagsusulong sa US bases, kabiguang mapamunuan ang repormang agraryo at pagtangging hingin ang pagpapawalang-bisa sa mga utang ng diktador, siya pa rin ang ngayo’y pinakamaliwanag na tanglaw at inspirasyon ng paglaban sa umuusbong na bagong diktadurya. Habang ang iba’y naghahangad ng ibayong kapangyarihan, si Aquino, matapos ang kanyang anim na taon sa Palasyo, ay buong kababaang-loob na bumaba bilang ordinaryong mamamayan noong 1992.
Sa mga panahong nanganganib ang demokrasya, matapang niyang ipinaaalala ang kahalagahan nito. Sa panahong lugmok ang moralidad ng pamunuan ng bansa, at ang mga mandaraya at sinungaling ay nagkukunwaring madasaling sugo ng Diyos, nakikita kay Aquino ang isang tapat na lider na tunay ang mga panalangin para sa bansa.
Habang ang iba’y nagkukumahog para mapanatili ang nagnanaknak na kalagayan ng ating bayan, pinangungunahan ni Aquino ang mga pagkilos at ang paghingi ng milagro para sa pagbabago. Sa kabila ng kanyang mga pagkakamali at kahinaan, lubhang mahalaga para sa bansa ang pamumuno at inspirasyon ng dating pangulo.
Patuloy nating kalampagin natin ang kalangitan para sa milagro para kay Tita Cory. Patuloy nating ipanalangin ang paggaling niya at ang paggaling ng ating bayan.
(Pinoy Gazette)