Binigkas ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang sana naman ay pinakahuli na niyang state of the nation address (SONA) noong Hulyo 27.

Sa harapan ng mga kongresista at senador na nagsirampahan suot ang kanilang magagarang kasuotang Amerikana, Barong Tagalog o ternong Filipiniana, buong pagmamalaking inisa-isa ni Arroyo ang mga nagawa aniya ng kanyang administrasyon:

Ang malakas na ekonomiya at fiscal position na di raw natinag sa gitna ng mga pulitikal na kaguluhan; mga bago at tinapos na modernong infrastraktura; ekonomiyang fair daw sa mahihirap; maayos daw na sandigan para sa bagong henerasyon; at ang pagkilala ng international authorities na ang Pilipinas ay mas ligtas sa mga sakuna.

Ngunit dahil nilalaman nito, sa tono ng pananalita ni Gloria, at sa tila canned applause ng kanyang mga kaalyado, ang SONA ni Gloria ay nagmistulang mas paghahambog at pagmamaldita at pagtatanggol sa sarili sa halip na simpleng pag-uulat sa bayan.

Bukod sa pagmamalaki sa kanyang mga ginawa, ginamit din ni Arroyo ang kanyang SONA para patutsadahan ang kanyang mga kritiko. Kesyo dapat daw magtrabaho na lang ng maayos sa halip na magsalita ng bad words sa publiko. Obvious na ang presidentiable na si Mar “Padyak Boy” Roxas, na ewan ko kung ano ang naisip at nagmura sa isang rally dati, ang pinatutungkulan niya. Sumagot naman sa Internet si Mar: “Gloria, I have to say bad words in public because of bad deeds done in secret.”

Binanatan din ni Gloria ang napatalsik na pangulong si Joseph Estrada. Ani Gloria, marami raw ang nag-aakusa sa kanya ng paggamit sa kanyang posisyon para sa pansariling pakinabang. Marami raw sa mga nag-aakusa sa kanya ay yaong mga nag-iwan din nga kanilang problema sa mamahala. Yung iba raw, may mga lifestyle at spending habits na nagpapatunay na sila ang guilty ng ganoong krimen.

“We can read their frustrations. They had the chance to serve this good country and they blew it by serving themselves. Those who live in glass houses should cast no stones. Those who should be in jail should not threaten it, especially if they have been there,” ani Gloria.

Sabi tuloy sa isang joke, ang sagot daw ng napikong si Erap, “Bobo ba siya? Di naman bubog ang bahay ko. Semento yun, eh!” Pero seryoso na. Bago magkalimutan, sino ba ang nagbigay presidential pardon kay Erap sa gitna ng matinding pagtutol ng EDSA 2 forces? Magarbong pamumuhay ba kamo? Hmm, may nabalitaan akong tumitira sa napakamahal na hotel sa Amerika.

Kung papakinggan ng isang outsider ang speech ni Gloria, baka mapabilib siya sa Pangulo. Malakas na ekonomiya, bumabang foreign debt, at iba pang magagandang balita. Ngunit para sa gaya kong nakatira sa Pilipinas at nagbabasa ng balita, mahirap maniwala sa ibang bahagi ng kanyang SONA.

Nang mabanggit niya halimbawa ang mga “magsasaka bilang backbone ng ating bansa,” naalala ko ang fertilizer scam na pinagbidahan ni Joc-Joc Bolante, kaibigan ng asawa ni Gloria.

Nang ibida niya ang developments sa telecommunications at information technology sa report niya, sumagi sa isipan ko ang NBN-ZTE scandal na kinasangkutan daw ni First Gentleman mismo.

Nang tinawag niyang “highest exercise of democracy” ang halalan, naalala ko ang “Hello Garci” scandal at ang “pagpapataas” sa kanya ni Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.

Nung peace talks naman ang banggitin niya, ang naisip ko’y yung daan-daang mga aktibistang pinatay sa panahon ng kanyang pamamahala.

Dahil sa mga iyan, wish ko lang talaga, ito na ang huli niyang SONA.

(Pinoy Gazette)