Binalot ng pagluluksa ang Pilipinas nang ang pagpanaw ni dating Pangulong Corazon Aquino ang balitang unang narinig ng mga tao sa kanilang paggising noong Agosto 1.
Si Cory, asawa ni Benigno ‘Ninoy’ Aquino na isa sa mga lider na lumaban sa diktaduryang rehimen noong dekada 70, ay napalapit sa puso ng mga Pilipino matapos patayin ang kanyang asawa noong Agosto 21, 1983. Nakita siya ng madla bilang nagluluksang biyuda ngunit matatag na ina. Naging simbolo siya ng pakikipaglaban para sa demokrasya at kalayaan mula sa mapanupil na rehimen.
Itinuloy ni Cory ang laban ni Ninoy at tumugon siya sa hamon ng kasaysayan. Nilabanan niya sa halalan ang diktador. Dinaya si Cory sa bilangan, ngunit nagprotesta ang mga mamamayan. Nag-alsa ang militar laban sa kanilang mapanupil na commander-in-chief, at sinamahan sila ng mga tao. Noon ipinakilala ng Pilipinas sa mundo ang People Power, na siyang nagluklok kay Cory bilang pangulo. Ibinalik ng sambayanan ang demokrasya, at sinamahan sila ni Cory.
Bilang pangulo, muling binuo ni Cory — na kilala rin bilang “Tita Cory” ng mga Pilipino — ang mga demokratikong institusyong sinira ng batas militar. Sa kanyang pamamahala, may mga pagkakamali siya, may mga desisyong di sinang-ayunan ng marami, at may mga pagkakataong pinalampas. Sunud-sunod na kudeta at natural disasters din ang naging balakid sa kanyang pamumuno, ngunit nagsilbi niya nang buong katapatan ng loob ayon sa kanyang pinaniniwalaang makabubuti sa bayan.
At sa pagtatapos ng kanyang termino, buong kababaang-loob na bumalik si Cory sa pagiging pribadong mamamayan. Tinanggihan niya ang mga alok na muli siyang tumakbo. Sa kabila nito, kapag umaabuso ang mga lider na sumunod sa kanya, lumalabas siya at nagsisilbing inspirasyon ng mga mamamayan sa paglaban.
Sa mga huling taon ng kanyang buhay, si Cory ang nag-iisang moral na lider at konsensiya ng bayan. Sa kanyang pakikipagbuno sa kanser, bumuhos ang mga panalangin at pagpapahayag ng pagmamahal mula sa mga Pilipino. Sa kanyang mga huling araw, nagkulay-dilaw ang Pilipinas dahil sa mga dilaw na laso para sa kanya. Sa Internet, naglagay rin ng yellow ribbons ang mga Pilipino sa kanilang websites at social networking pictures. Habang isinusulat ito, halos 19,000 na ang sumusuporta sa Yellow Twibbon for Pres. Cory sa Twitter.
Nang pumanaw si Cory, nasa United States ang nakaupong pangulo. Sa mga araw na iyon, nalimutan ng bansa ang pekeng pangulo. At sa kabila ng paglisan ni Cory, naramdaman ng mga tao ang kanyang presensya. Kahit nagluluksa, napuno ang Pilipinas ng inspirasyon ng kanyang mga alaala at pamana. Muling nabuhay ang People Power at bumalik ang Cory magic. Sa mga araw na iyon, iisa lang ang tunay na Pangulo, at nakaluklok siya sa puso ng mga tao.
Pinatunayan ni Cory na ang namumuno ng tapat ay umaani ng respetong maluwat. Sa kanyang libing, bumaha ng mga tao at muling nagkulay-dilaw ang mga lansangan. Hindi nila ininda ang ulan, masilayan at mapasalamatan lamang sa huling pagkakataon ang iginagalang na simbolo ng demokrasya na naglingkod sa kanila nang walang pag-iimbot.
(Pinoy Gazette)
Galing kay Markku ang larawan.