Muling nabuhay ang mga alaala ng People Power Revolution sa pagpanaw ni dating Pangulong Corazon Aquino. Sa kanyang libing, muling nasaksihan ng mundo ang isang bayang nagkakaisa sa pagluluksa, pagpapasalamat, at pagbubunyi sa buhay at kontribusyon ni Cory at ng kanyang asawang si Ninoy, ang martir ng demokrasya.
Kasabay rin ng malawakang pag-alaala sa mag-asawang bayani ay ang mga panawagang ang kanilang anak, si Senador Benigno “Noynoy” Aquino III, ay tumakbo sa pagkapangulo sa 2010. Kabilang sina Conrado de Quiros at William Esposo, opinion-makers na kilala sa kanilang pagiging makabayan at mabuting intensyon para sa bansa, ang nangunguna sa pagsusulong ng ideyang ito.
Ani de Quiros, walang ibang mabuting ipalit kay Gloria Macapagal-Arroyo, na aniya’y ideological daughter ng diktador na si Ferdinand Marcos, kundi ang biological son nina Cory at Ninoy. Naniniwala naman si Esposo na kung subukan ng administrasyon na mang-Garci na naman, si Noynoy lang ang makakatawag sa “Yellow Army” ng People Power.
At sa isang nakagugulat ngunit inaasahang pahayag, nagbigay-daan si Mar Roxas, deklaradong kandidato ng Liberal Party sa pagkapangulo, at nagpahayag ng suporta kay Noynoy. Bagama’t mukhang payag na, habang isinusulat ito ay wala pang categorical na sagot si Noynoy. Pero ang kanyang pamilya ay nagpahayag na ng suporta sa kung anumang magiging desisyon niya. Sumailalim muna si Noynoy sa isang spiritual retreat, marahil ay upang pagtibayin ang kanyang desisyon.
Umatras na rin sa laban sina Among Ed Panlillio at Grace Padaca — mga matutunog na reform candidates — para sumuporta na rin kay Noynoy. Nagpahayag na rin si Senador Kiko Pangilinan na handa rin siyang isakripisyo ang kanyang vice-presidential bid para kay Noynoy — at isa na siya ngayon sa mga leader ng ilang People Power 2 forces gaya ng Black & White Movement, Aksyon Demokratiko, Akbayan, at Liberal Party na nag-i-endorso kay Noynoy.
Ayon sa kanyang mga tagasuporta, bilang anak nina Cory at Ninoy ay di sisirain ni Noynoy ang pangalan ng kanyang mga magulang. Base sa ating nakikita, gaya ng kanyang mga kapamilya ay may kababaang-loob si Noynoy. Wala rin siyang bahid ng anumang katiwalian o eskandalo. Ukol sa sa problema ng kanyang pamilya sa Hacienda Luisita, nangako ang kanyang staff na sasagutin ito ni Noynoy.
Sabi naman ng mga kritiko, di sapat ang pagiging anak lamang ni Noynoy ng kanyang mga magulang para pamunuan ang bansa. Kailangan din daw ng karanasan. Totoo naman iyan, at nakatatlong termino naman si Noynoy sa House of Representatives bago maging senador. Yun nga lang, kailangan pang tingnan kung anu-ano ang mga nagawa niya habang congressman at senador.
Pero ang pinakamahalagang sagutin sa puntong ito ay kung sino sa mga tagapagsulong ng mabuting pamamahala at reform candidates gaya nina Among Ed, Gov. Grace, Noynoy, Brother Eddie Villanueva ng Bangon Pilipinas, JC delos Reyes ng Ang Kapatiran, at Nicanor Perlas ang mas makapagdadala ng pagkakaisa sa mga Pilipino upang maipanalo ang laban sa 2010. Naniniwala tayong lahat sila’y may tapat na kalooban at malinis na intensyong isulong ang pagbabago. Ngunit sino sa kanila ang pinaka-katanggap-tanggap sa karamihan? Sino sa kanila ang maaaring iluklok ng People Power sa loob ng halalan sa 2010?
Tila parami na nang parami ang mga daliring nagla-Laban sign sa direksyon ni Noynoy.
(Pinoy Gazette)
Kung magbigay ka ng pahayag talagang pa2nay ng kamangmangan. Kilalanin mo muna ang kandidato. Sabi nga ni FPJ sa pelikula, “Hindi lahat ng taong lumalaban dapat hangaan, pag – aralan muna bago palakpakan, kung tama o mali ang pinaglalaban.”. Kilatisin mo muna yung kredibilidad ni Perlas bago kang mapang- ahas na magbigay ng ganyang pahayag
Si Nick Perlas ang Eddie Villanueva ng 2010.
Marami ang naglalaban sign dahil karamihan din ay emosyon ang pinaiiral sa pagdedesisyon pero kagaya ng mga kabiguan natin sa pagluklok at pagsuporta kay Gloria Arroyo at kahit kay Cory noon hindi nasolusyunan ang problema bagku ay lumala pa nga ito.
Higit sa “pinaniniwalaang” mapagkaisa ang dapat na basehan… ang basehan dapat ay ano ang plano ng taong ito at saan ba niya tayo dadalhin kung susuportahan natin siya.
Dapat maliwanag ito sa simula pa lamang. Kung sasakay ka sa isang sasakyan hindi ba dapat maliwanag kung saan ka dadalhin ng nagmamaneho ng sasakyan.
Lugmok na ang ating bayan at dapag isang lider na mag-aangat sa atin ang mananalo, may sariling desisyon pero may tunay na malasakit sa ating mga mamamayan at sa ating bayan…
Bakit si Nick Perlas?
http://www.youtube.com/view_play_list?p=F108B1B975E4CC4C