Nasaksihan natin sa nakalipas na ilang taon ang malawakang pagpapakita ng pagmamalaki sa ating pagka-Pilipino. Maaaring makatulong ang kampanya ni Senador Noynoy Aquino sa pagpapatuloy sa magandang pangyayaring ito.
Nauso ang mga kasuotang may disenyong Pinoy at nagpapahayag at yumayakap sa ating pambansang pagkakakilanlan. Naging mabenta ang mga damit na may limbag ng bandila at mapa ng Pilipinas at mukha ng ating mga bayani. Lalo pa itong umigting nang pumanaw si Francis Magalona, na nagtaguyod ng makabayang musika. Laging ubos ang stock ng clothing brand niyang 3 Stars & A Sun.
Sa Internet, nagkaroon ng paligsahang lumikha ng isang Proudly Pinoy logo na maaaring gamitin ng sinumang Pilipino upang ipakilala sa buong cyberspace ang kanyang nasyonalidad. May mga website ring nanghihikayat na pag-aralan ang ating kasaysayan at ipagmalaki ang ating pagiging Pilipino.
Sa larangan ng palakasan at musika, nagkaroon din ng dahilan ang mga Pilipino sa ibayong dagat upang lalong iwagayway ang ating watawat dahil sa sunud-sunod na tagumpay ni Manny Pacquiao at ng ilang mga kampeon natin sa boksing. Nakilala rin sa US at iba pang mga bansa ang ilang Pilipinong mang-aawit gaya nina Arnel Pineda at Charice.
Sa gitna ng maruming pulitika at tiwaling administrasyon, patuloy namang umusbong ang maliliit na mga grupong nagsusulong ng bagong pulitika at matapat na pamumuno.
Nang sumakabilang-buhay si dating Pangulong Corazon Aquino, inalala ng mga tao ang ang kanyang di-perpekto ngunit matapat na pamamahala. Ihinatid siya ng bagyo ng pagmamahal ng sambayanan at malalakas na alon ng mga alaala ng EDSA People Power Revolution. Sa panahon ng pagluluksa, dahil sa mga alalala nina Ninoy at Cory Aquino at ng nagkakaisang sambayanan, ay naramdaman muli ng marami na kaysarap na maging Pilipino.
Naniniwala akong ang pagtakbo at kampanya sa pagkapangulo ni Noynoy ay makakatulong na ipagpatuloy ang unti-unting muling pagsibol ng “Proud to be Pinoy” era sa ating kasaysayan.
Wika nga ni Billy Esposo, “If you’re a Filipino who took pride in our People Power Revolution and how it had been a shining moment for our race, then NoyPI is for you.” Tinatawag ng mga sumusuporta kay Noynoy ang kanilang kampanya na NoyPI — Noynoy for President Initiative o Noynoy Para sa Pilipinas.
At dahil ang mga nagsusulong ng kandidatura ni Noynoy ay para pagbabago, pagkakaisa, at malinis na gobyerno, tuwing may magpapahayag ng suporta kay Noynoy, sasabihin niya nang may pagmamalaki: “Noypi ako.”
Dahil nagluluksa, laging itim na damit na may mapa ng Pilipinas ang suot ni Noynoy ngayon. Kung ganito rin ang magiging signature look niya sa kampanya, lalo niyang papalaganapin ang Pinoy pride, di lamang sa larangan ng pulitika, kundi pati sa kaswal na pananamit.
(Pinoy Gazette)
Natuwa ako sa sinulat mo. Magaling ang pagkasulat at maganda ang mensahe.