Hindi na ikinagulat ng mga Pilipino ang pag-aanunsiyo kamakailan ni Gloria Macapagal-Arroyo na habang nakaupong pangulo ng republika, tatakbo siya bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa halalan sa Mayo 2010. Nauna na niya itong ipinaramdam minsang nagtalumpati siya sa Subic noong 2007 at sinabing “Who knows? I may run for Congress in my hometown?” Inakala ng marami na biro lamang ito. Ngunit gaya ng iba pang biro, ito pala ay half-meant.
Pero nakapagtatakang ang isang taong naluklok na sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno ay maghahangad pa ng isa na namang posisyon. Nagdudulot ito ng maraming tanong. Talaga bang nakakaadik ang kapangyarihan? Kapag natikman mo ito, di mo na ba nanaising ito’y bitawan? Mapanatili lamang ito, mawawala na ang iyong pagpapahalaga sa karangalan?
Sabagay, hindi na rin kataka-takang hindi isaalang-alang ni Gloria ang karangalan o hiya. Sa sunud-sunod na mga iskandalong yumanig sa kanyang pamamahala, maraming beses na niyang ipinakitang walang kuwenta sa kanya ang mga konseptong iyan. Lagi nating inuulit sa kolum na ito ang binawing pangako niya noon na di na siya tatakbong pangulo sa 2004. Pero siyempre, mas naipakita ito nang hindi siya bumaba sa puwesto kahit nabisto sa tape na inaasikaso ang pandaraya sa eleksyon kasabwat si Garci.
Kung tutuusin, alam na rin naman ng lahat ang balak ni Gloria, pero siguradong ide-deny niya ‘yan. Umuusad na sa House of Representatives ang isang panukalang-batas na magco-convene ng constitutional convention na babago sa ating saligang batas. Matagal nang gigil na gigil ang mga kaalyado ni Gloria na gawing parliamentary ang sistema ng ating gobyerno. Kung instresado ka sa sipnayan o mathematic — one plus one lang yan — maisiip mong tatakbo si Gloria, at kapag nanalo, at magtagumpay ang pagbabago ng konstitusyon, ay tatargetin niya ang puwestong prime minister. Kung mangyayari iyon, mananatili sa poder si Gloria, at tuloy ang ligaya ng kanyang mga kroni at pamilya!
Kaugnay ng pangungunyapit sa kapangyarihan ang pagtakbo ni Gloria para sa pansariling kaligtasan. Hindi siya puwedeng kasuhan ngayon dahil pangulo pa siya. Pero dala ng samu’t saring eskandalo at bintang ng katiwalian at paglabag sa karapatang pantao sa kanyang administrasyon, patung-patong ang kasong haharapin niya pagbaba niya sa Malakanyang sa isang taon. Kung matatalo niya ang kalaban niyang kandidatong si Feliciano Serrano, bilang congresswoman ay magkakaroon si Gloria ng ilang antas ng proteksyon mula sa pagkakaaresto at pagkakakulong.
Marami ang nagngingitngit sa anila’y kakapalan ng hakbang na ito ni Gloria. Ngunit kahit ano ang ating gawin at sabihin, mukhang wala na tayong magagawa kundi manawagan sa mga Cabalen na ipakita kung nakanino ang tunay na kapangyarihan.
(Pinoy Gazette)