Si Teresa ang unang mambabasang tumugon sa aking panawagan na kayo ay magpahayag din ng inyong mga saloobin sa espasyong ito. Narito ang kanyang liham, na in-edit ko nang konti:
Greetings!
I have read your column in Pinoy Gazette February edition. Your column Tinig is what I’m looking for. I am really looking for a small space where I can voice out or make opinions. As I have read in your column, you are open to opinions regarding our beloved country, the Philippines.
This is what I can only say regarding the forthcoming May elections: Sana para sa sambayanang Pilipino ang dahilan ng kanilang pagtakbo s eleksyon, hindi sa sarili nilang interes. Maawa sila sa mga Pilipino na lalong naghihirap at nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanilang pamilya. Tama na ang bangayan sa pulitika. Itabi na ang personal interest at alitan sa pulitika. Pagpalain nawa sila.
Maraming salamat sa pagbasa ng aking saloobin.
More power!
GOD BLESS
Teresa
Eleksyon na nga sa Pilipinas. Matapos ang taglamig, panahon naman ng halalan. At iba’t ibang eksena ang inyong makikita. Sa mga eksenang ito, hindi maiwasang mapansin ang wika nga ni Teresa ay pagsusulong ng personal na interes ng iba. May pailan-ilan din namang mukhang tapat sa paglaban—pero alam nating mamalasin lamang.
Sina Zosimo Paredes, dating executive director ng VFA Commission na tumuligsa sa biglaang paglipat kay Daniel Smith sa US Embassy; Dr. Martin Bautista, isang doktor na may magandang trabaho sa Estados Unidos pero bumalik sa Pilipinas para tumulong sa pagsusulong ng pagbabago; at ang batikang abogadong si Adrian Sison ay mga kandidato sa pagka-Senador ng partidong Ang Kapatiran. Nais nilang linisin ang pulitika sa Pilipinas.
Ang asawa ni dating Senador Raul Roco, si Sonia Roco, ay nangangakong itutuloy ang mga simulain ng pumanaw niyang kabiyak.
Si LtSG Antonio Trillanes IV, na nagprotesta laban sa katiwalian sa sandatahang lakas, kahit nasa kulungan, tuloy raw ang laban. Gaya ni Chiz Escudero, kabataan at netizens ang kanyang kaalyado. Bakit kaya di sila magtulungan ng Kabataan Partylist?
Samantala, ang mga tinatawag na ASO ng grupo ni Rex Cortez—sina Edgardo Angara, Vicente Sotto, at Tessie Oreta—mga dating nasa oposisyon kasama ni Fernando Poe Jr, ngayo’y nasa administrasyon. Wika ni Cortez, sa halip na ituloy ang laban, ang grupong Angara-Sotto-Oreta, dumiretso sa kalaban.
Ang alipores ni Gloria na si Prospero Pichay, halatang prosperous–maya’t maya nasa TV ang maamong mukha. Milyun-milyong piso na sigurado ang gastos niya.
Si Kiko Pangilinan, di tumanggi nang kinuhang guest candidate ng oposisyon, pero tila ayaw namang ma-identify sa mga kalaban ni Gloria. Independent daw kasi siya. Ayan, sa wakas ay inilaglag na.
Sa gitna ng pasikatan ng mga personalidad, patuloy naman ang patutsadahan ng oposisyon at administrasyon. Sorry, Teresa, pero sadya atang ganyan ang pulitika.
Tuloy, may mga kaibigan akong nagrereklamo. Mahihirapan daw silang punin ang balota sa Mayo.
Kayo ba, may mga agam-agam din sa kahihinatnan ng halalang ito? Magkakaroon kaya ng Hello Garci part 2? O matututo na tayo?
Kwentuhan tayo. Sulat lang kayo sa ederic@gmail.com.
(Pinoy Gazette)