“Paborito kong basahin ang Tinig. Permanent visa kami ng misis ko dito sa Japan. Balak naming mag-ipon para makapagpatayo ng negosyo sa Pilipinas. Kaya lang, sa darating na May election, kapag nanalo sina Manny Pacquiao, Cesar Montano, at Richard Gomez, di na namin itutuloy ang balak namin. Dito na lang kami maninirahan sa Japan kasama ang mga anak namin. Para sa akin, ginagawang katatawanan ang Senado at Kongreso.”

Ito ang pinakahuling sulat na nakuha ko mula sa isang mambabasang si “wrg.vanz.” Nalimutan niyang mag-iwan ng buong pangalan, pero mahalaga ang kanyang sinabi. Ganyan din ang tono ng isang kumakalat na open leter ng isang kilalang NGO worker na si Harvey Keh — na ayon sa sulat ay aalis na lang ng Pilipinas kapag nanalo ang ilang kandidato, kabilang ang mga binanggit ni “wrg.vanz.”

Ang sagot ko kay “wrg.vanz” ay ganito:

“Salamat po sa inyong sulat, at sa laging pagbabasa ng kolum ko. Mukha namang di na tatakbo si Pacquiao, at mahina sa survey sina Richard Gomez at Cesar Montano. Sana makabalik kayo sa ating bansa. Ang negosyong balak ninyong itayo ay makakatulong na mabigyang trabaho ang iba nating mga kababayan para di na sila mag-abroad at di malayo sa pamilya. Related sa isyung ito ang pinakabagong entry ko sa aking blog. Sana mabasa din ninyo at mag-comment kayo sa http://ederic.tinig.com.”

Paumanhin po sa shameless plug, pero kaugnay nga ng usaping ito ang nasa blog ko. Ganito ang isinulat ko sa entry na “Dito sa Pilipinas”:

“Sampung bahagdan na ng ating populasyon ang nasa labas, pero napakaraming Pilipinong nagkukumahog paalis. Kawalan ng trabaho at pagkakataon ang kadalasang reklamo. Hindi natin masisisi ang karamihan sa mga nagnanais lumabas ng bansa at magtrabaho nang ilang panahon sa ibayong dagat. Kailangan nilang buhayin ang kanilang pamilya. Sabi rin ng gobyerno, tumutulong sila sa ekonomiya dahil sa mga padala nila.

“Pero nakapanlulumo iyong mga gusto nang manirahan sa ibang bansa, lalo na kung sila ‘yung mga mapapalad na nakapasa sa entrance test ng Unibersidad ng Pilipinas at naging iskolar ng bayan, o iyong mga di man paaral ng bayan ay mga topnotcher sa board exam ng kanilang propesyon. Hindi kapani-paniwalang kakapusin sila ng pagkakataon.”

Ikinuwento ko ang istorya ni Elmer Jacinto, isang doktor na topnotcher sa board exam pero piniling maging nurse sa US.

Samantala, binatikos ko naman iyong mga Pinoy na napagod na sa pagiging Pilipino, at nanirahan sa ibang bansa, pero kung makapag-komento tungkol sa Pilipinas at sa mga naiwang Pilipino ay akala mo kung sino na. May mga nagbabasa tuloy ng blog ko na Pilipino sa ibang bansa na tila natamaan at nasaktan. Pero nilinaw kong ang aking pambabatikos ay naka-direkta hindi sa mga OFW o sa mga migranteng nanatiling concerned sa Pilipinas, at hindi nagmamayabang lamang dahil maginhawa na ang kanilang buhay sa ibang bansa.

Kahit pa kako may mga nagsasabing mga mahihinang klaseng Pilipino na lang ang natitira sa bansa, posibleng magkaroon ng pagbabago kung yayakapin natin ang sariling wika, pagtitibayin ang pambansang pagkakakilanlan, at tuturuan ang mga kabataang tumayo sa sariling paa.

Sa huli, sinabi kong kahit “sa mga Pilipinong naninirahan na sa ibang bansa, tila may magneto ang Perlas ng Silangan na nanghahalina sa kanila upang bumalik sa bayang itong para sa kararamiha’y pugad ng luha at dalita.

“Si David Poarch o Coconuter, isang twenty something Fil-Am ay may maayos na buhay sa Amerika, at dahil sa mahusay na academic background ay di kukulangin sa pagkakataon doon. Pero mas pinili niyang maglagalag sa Pilipinas upang maranasan ang buhay rito.

“Si Martin Bautista ng Ang Kapatiran, isang doktor na produkto ng UP pero sa Amerika rin nanirahan at nakatagpo ng magandang buhay, bumalik sa Pilipinas upang dito manggamot.”

Manalo o matalo man sina Pacquiao, Cesar at Goma, sana’y di mawalan ng pag-asa sina “wrg.vanz.” Sana, tulad ni Dr. Bautista, makabalik sila at tumulong sa pagpapanday ng bago at bumabangong Pilipinas.

Kayo, ano ang saloobin ninyo tungkol sa pag-alis at pag-iwan sa Pilipinas?

(Pinoy Gazette)

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center