Sampung bahagdan na ng ating populasyon ang nasa labas, pero napakaraming Pilipinong nagkukumahog paalis. Kawalan ng trabaho at pagkakataon ang kadalasang reklamo. Hindi natin masisisi ang karamihan sa mga nagnanais lumabas ng bansa at magtrabaho nang ilang panahon sa ibayong dagat. Kailangan nilang buhayin ang kanilang pamilya. Sabi rin ng gobyerno, tumutulong sila sa ekonomiya dahil sa mga padala nila.

Pero nakapanlulumo iyong mga gusto nang manirahan sa ibang bansa, lalo na kung sila ‘yung mga mapapalad na nakapasa sa entrance test ng Unibersidad ng Pilipinas at naging iskolar ng bayan, o iyong mga di man paaral ng bayan ay mga topnotcher sa board exam ng kanilang propesyon. Hindi kapani-paniwalang kakapusin sila ng pagkakataon.

Naalala ko ang galit na reaksyon ng isang kaibigan ko nang mabasa ang istorya ng isang Elmer Jacinto:

“Valedictorian ka ng isang iskuwelahang madalas makapagpatala ng topnotcher sa medical board exam — ang Our Lady of Fatima College — at ikaw ay nag-number one sa board. Huwag mong sabihing mangingibang-bansa ka dahil wala kang oportunidad sa sarili mong bansa. Walang pagamutan sa Pilipinas na tatanggi sa ganitong mga kredensiyal.”

Ang pag-alis ng mga tulad ni Elmer maaari ang nagbibigay ng ideya sa ilan upang isiping ang mahuhusay ay nagsisitalunan na palabas upang iwan ang lumulubog na bangka, at ang mga bobong Pinoy na lang ang naiiwan.

Noong isang taon, isang Pilipinang blogger na nakatira sa Europa ang nagpadala ng sulat sa mga diyaryo sa Pilipinas. Binatikos niya gobyernong Arroyo, at sa kanyang sulat ay may linyang ganito: “what with over eight million or so Pinoys, Pinays of better caliber having left the country”.

Sinagot ni Prof. Luis Teodoro sa kanyang artikulong “A Pinoy of better caliber” ang sinabing ito ng Pilipinang blogger. Malamang aniya, ang attitude ng blogger na ito ay kapareho ng mga Pinoy na umalis sa bansa upang maghanap ng “greener pasture” sa Europa at Amerika at kadalasa’y akala mo’y kung mga sino na kapag nagsalita tungkol sa mga problema ng Pilipinas.

“All that readiness with advice is premised on the assumption that those Filipinos still hanging on in the country of their sorrows just don’t know any better — and are, in fact, less intelligent and of lesser caliber than those who’ve left the country,” ayon kay Prof. Teodoro.

Nakakapikon talaga ang ganiyang pagmamarunong ng mga Pilipinong namamahinga sa pagiging Pilipino — o tuluyan nang iwinaksi ang pagiging Pilipino — at nasanay sa buhay sa ibang bansa.

Tila hindi na tayo nakawala sa karanasan ng pagiging kolonya. Nasanay na tayo sa pagsisilbi, at mismong ang sistema ng ating edukasyon ay may ganitong orientasyon. English daw ang dapat gamitin sa mga paaralan. Bakit? Upang maging call center agent o makalabas ng bansa at maging mahusay na tagapaglingkod ng mga dayuhan.

Pero kung yakapin kaya natin ang sariling wika, pagtibayin ang pambansang pagkakakilanlan, at turuan ang mga kabataang tumayo sa sariling paa?

Ayon sa mga aklat ng kasaysayan, bago pa tayo sakupin ng mga Kastila ay nakikipagkalakalan na tayo sa mga taga-ibang bayan. Di kaya’t mahusay talaga tayong negosyante?

Wika nga ni Aileen Apolo ng Google Pilipinas sa kanyang blog:

“What’s important to note is the fact that Filipino entrepreneurs are good businessmen and we have a lot of opportunities. We just need to discover them and make it work.”

Ginawa niyang halimbawa ang kuwento ni Jovel Cipriano ng Pinoydelikasi.com, na iniwan ang magandang trabaho sa IBM, nagsimula sa puhunang P10,000 sa pagbebenta ng mga pagkaing Pilipino sa Internet, at ngayo’y matagumpay na. Binanggit din ni Aileen sina Janette Toral ng Digitalfilipino.com, Charlie Gaw ng Wedding Library, at Noemi Lardizabal-Dado, mga Internet entrepreneurs. Maaari nating isama sa listahang iyan sina Abe Olandres ng Yugatech at Ploghost, at Marvin Salazar ng Marvin’s Web.

Hindi pa rin ako kumbinsidong sadyang mga bobong Pinoy na lamang ang naiiwan sa Pilipinas. At tulad ni Aileen, hindi ako naniniwalang wala na ngang natitirang oportunidad dito.

Sa UP halimbawa, may mga magagaling na propesor na maaaring kumita nang limpak-limpak kung pipiliing magturo sa ibang bansa. Pero mas gusto nilang tulungan ang mga kabataang kababayan at maging mabuting halimbawa nila.

Maging sa mga Pilipinong naninirahan na sa ibang bansa, tila may magneto ang Perlas ng Silangan na nanghahalina sa kanila upang bumalik sa bayang itong para sa kararamiha’y pugad ng luha at dalita.

Si David Poarch o Coconuter, isang twenty something Fil-Am ay may maayos na buhay sa Amerika, at dahil sa mahusay na academic background ay di kukulangin sa pagkakataon doon. Pero mas pinili niyang maglagalag sa Pilipinas upang maranasan ang buhay rito.

Si Martin Bautista ng Ang Kapatiran, isang doktor na produkto ng UP pero sa Amerika rin nanirahan at nakatagpo ng magandang buhay, bumalik sa Pilipinas upang dito manggamot.

Siguradong hindi mauubusan ng nakaka-inspire na mga istorya ng Pilipinong tumatangging lisanin — o nagtatangkang balikan — ang ating bansa.

Para naman sa mga katulad kong kung tatanggapin ang paanyaya ng mga kamag-anak sa ibayong dagat ay pupuwedeng makapag-aral, o kaya’y makapagtrabaho, o permanenteng manirahan sa labas ng bansa, lagi kong aalalahanin ang sinabi ni Aileen minsang nagcha-chat kami: “We have a moral obligation to stay here and help the country.”


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center