Sa mga nakalipas na taon, wari’y lumakas ang Pinoy pride. Lumaganap ang pagyakap at pagmamalaki sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino. Habang tumatagal, para bang unti-unting nawawala sa uso ang colonial mentality. Sa halip, ang nauso ay ang mga kasuotang may disenyong 3 Stars & A Sun ni Francis M., ang mapa ng Pilipinas na inilabas ng Collezione C2, at ang markang I Am Ninoy.
Kahit paano, may dahilan naman para magmalaki tayong mga Pilipino: naging tuluy-tuloy ang pamamayagpag ni Manny Pacquiao sa boksing, sumikat si Arnel Pineda bilang vocalist ng bandang Journey, naging CNN Hero of the Year si Efren Peñaflorida Jr., nasa Glee na si Charice, at major major ang pagkakapanalo ni Maria Venus Raj bilang 4th runner up sa Miss Universe.
Ang pag-upo ni Noynoy Aquino bilang pangulo ay naghatid din ng pag-asa sa marami at nagpaalaala sa atin sa panahong kinilala ng mundo ang Pilipinas.
Ngunit upang lubos nating maipagmalaki ang ating pagiging Pilipino, kailangan din nating lumingon sa kasaysayan at tumingin sa ibang aspekto ng ating buhay-pambansa.
Noong Setyembre 16 ay ginunita natin ang ika-19 na anibersaryo ng pagtanggi ng Senado na palawigin ang pananatili ng base militar ng Estados Unidos sa ating bansa.
Bukod sa pagiging sagabal sa ganap na kalayaan ng Pilipinas, naging banta na rin ang US bases sa kaligtasan ng mga mamamayan, ayon nga sa makabayang dating senador na si Lorenzo Tañada. Sa makasaysayang araw ng pagboto, sinabi naman ng anak niyang si Wigberto Tañada, isa sa Magnificent 12 senators na tumanggi sa tratado: “For now, we can finally be on our own, free to chart our destiny as a people, free, as the great Ka Pepe Diokno would have it, to sing our own song.”
Pero pagkatapos ng malaking hakbang na ito tungo sa kasarinlan, bigla tayong umatras nang ipasa ng Senado ang Visiting Forces Agreement (VFA) noong 1999. Sa ilalim ng kasunduang ito, nakakapasok sa Pilipinas ang mga sundalong Amerikano para sa mga pagsasanay militar. Nalulusutan ng US military ang pagbabawal ng Konstitusyon sa pagkakaroon ng dayuhang base at tropang militar sa bansa. Yung mga dapat ay bisita lamang, nagiging permanente na.
Lugi ang mga Pinoy sa VFA. Gaya ng nakita natin sa kaso ni Daniel Smith – na napatunayang nanggahasa ng isang Pilipina at sa halip na makulong ay pinatigil na lang sa US embassy – maaaring maiwasan ng mga sundalong Kano ang kaparusahan kahit nagkasala sila rito.
Higit sa lahat, ang VFA ay isa sa mga anyo ng pangengealam at paghawak ng Amerika sa leeg ng Pilipinas, na sinasabing isang malayang bansa.
Kaya naman kailangang ipaalala natin sa kasalukuyang administrasyon ang pangako nito noong kampanya na ipapa-rebyu ang VFA. Hikayatin din natin ang ating mga senador na putulin na rin ang kasunduang ito. Ipaalam natin sa lahat na nais natin ng isang Pilipinas na maipagmamalaki, di lamang dahil sa natamo ng mga mamamayan nito, kundi pati sa kakayahang kumalas sa natitirang gapos ng dati nitong mananakop.
Ipagpatuloy natin ang pag-arangkada ng Pinoy pride at hangarin din natin ang pag-alis sa mga sagabal sa ganap na kasarinlan.
(Pinoy Gazette)