Nitong nakalipas na taon, naging madalas na tambay sa inbox ng mga texter ang isang misteryosang babaeng nagngangalang Ederlyn. Ayon sa mga texter, nagsimula ang lahat sa ganitong text message:

Ui, invited daw tayo
sa birthday ni Ederlyn bukas.
kita kita na lang tayo dun.
text text na lang. – Ace

Sino ba yun? Kilala mo?
Finorward lang sa kin eh! hehe!

Nasundan pa yan ng ganitong mensahe…

Oist,ba’t di ka ngpunta sa birthday ko? Andun kaming lahat. Tatampo ko sa ’yo, parang di ka nasabihan 🙁
-Ederlyn

Ako ang magpapalubog sa ‘yo, Ederlyn!
Abangan mo ang ningning ko!”
– Chona Mae, baguhang starlet

Naging bukambibig tuloy ng maraming texter ang “Kilala mo ba si Ederlyn?” Pati ako, nakisakay at nagkaroon ng sariling version:

Bakit ba ang pinsan kong Si Ederlyn
ang pinagdidiskitahan ninyo?
Kung wala kayong magawa,
Magbasa na lang kayo
ng Tinig.com!
–Ederic Eder

Para sa mga hindi pa nakakakilala kay Ederlyn, naging palaisipan para sa kanila ang sunud-sunod na text messages tungkol sa nasabing karakter. Para naman sa iba, unti-unti nilang nalaman na ang mga natatanggap nilang forwarded messages tungkol kay Ederlyn ay bahagi ng isang text novela–isang serye ng mga text messages na bumubuo sa isang kuwentong patuloy na dinurugtungan ng mga texters.

Hindi pa malinaw hanggang ngayon kung sino ang nagsimula ng mga Ederlyn texts. Pero ang mga Globe users na nag-avail ng unlimited texting promo ang mas aktibong nagpasahan ng mga ganitong mensahe. Sabi tuloy ng ilan, pakana ito ng Globe mismo para may mai-forward nang mai-forward ang mga texters.

Ngunit ang kasikatan ni Ederlyn ay dagling napawi nang biglang ianunsyo ng Globe Telecoms ang pagtatapos ng kanilang Unlimitxt promo sa pagsisimula ng Pebrero. Mula sa mas murang P50 para sa unlimited texting sa loob ng limang araw, nag-introduce ang Globe ng panibagong unlimited texting promo na may iba’t ibang pagpipilian, pero kung susumahin ay mas mahal kaysa sa dating rates.

Dahil dito, nagreklamo sa National Telecommunications Commission (NTC) ang consumer group na TXTPower, na kinabibilangan ko. Pinasimulan din ng grupo ang isang online petition na sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit limang libong lagda. Panawagan ng reklamo at ng petisyon na ibalik ng Globe ang dating Unlimitxt rates. Dahil sa reklamo ng TXTPower, inutusan ng NTC ang Globe na itigil ang bagong promo. Nagmatigas naman ang Globe. Ilegal daw ang utos ng NTC.

Galit na galit naman ang mga Globe subscribers. Ang iba ay nagsisilipatan na sa Smart at Sun Cellular, mga telecom network na kalaban ng Globe.

Samantala, patuloy ang pananahimik ni Ederlyn. Ito ang huling narinig ko mula sa kanya:

Medyo hindi nyo muna malalaman mga mangyayari sa aking buhay… Mag sa-Sun na ksi ako! Mga fans lipat na rin kayo…… -Ederlyn