Para sa “Person of the Year” issue ng Time magazine sa nakalipas na taong 2006, isang pirasong Mylar ang inilagay ng mga patnugot nito sa pabalat ng kanilang babasahin. Parang salamin ang Mylar–isang uri ng plastic–kaya’t kapag tiningnan mo ito, makikita mo ang iyong sarili.
Ang napili kasi ng Time na Person of the Year ay ang mga mambabasa nilang aktibo sa Internet. Sila yung mga blogger, mga gumagamit at naglalagay ng content sa YouTube, MySpace, Friendster, Wikipedia, at iba pang websites. Dahil daw kanila, o sa atin—itinuturing ko ang sarili kong kasali sa Time Person of the Year dahil ako ay blogger at magko-contribure rin sa YouTube at iba pang katulad na websites—naipakita sa mundo ang pagtutulungan at sama-samang pagbuo ng nilalaman ng bagong World Wide Web.
“And for seizing the reins of the global media, for founding and framing the new digital democracy, for working for nothing and beating the pros at their own game, TIME’s Person of the Year for 2006 is you,†ayon sa Time.
Na-inspire ako sa ginawang ito ng Time. Naisip kong sa loob ng ilang taon kong pagsusulat sa Pinoy Gazette, ako lang nang ako ang nagkukuwento. Ni hindi ko pa nga yata nagawang maglathala ng buong sulat ng mga mambabasa, kahit may mga ilan namang nagpapaabot ng feedback sa mga isinusulat ko.
Kabilang sa mga nakabasa ng kolum na ito na nagpadala ng e-mail sa akin sa mga nakalipas na taon ay sina Kuya Mon Hasegawa, Gladiolus, Angel-mk23, Bianca, Mutya, Kathleen, RH, Carl, Laurice530, Ailene, Joan, Grace Penaflor Peteza—na siguro’y kamag-anak namin, at Evelyn Eder—na kapangalan ng namayapa kong ina.
Sari-sari ang kanilang mga sinabi. May pumuri at pumuna sa aking mga isinulat; may mga nagkuwento ng kanilang buhay-buhay; may naho-homesick; may naghahanap ng kaibigan; may tumitira kay Gloria; at mayroon ding nanghingi ng panakot sa daga. Sa kanilang lahat, ang kuwento nina Kuya Mon at Evelyn ang pinakaalam ko dahil ilang beses din kaming nagpalitan ng mga e-mail.
Kaya naman sa taong ito, bukod sa aking mga samu’t saring kaisipan tungkol buhay at pag-ibig, balita’t pagbabalita, pagsamba’t pakikibaka, teknolohiya’t kultura, at iba pa—mga paksang tinatalakay ko rin sa ederic@cyberspace, ang blog ko na nasa http://ederic.tinig.com–nais ko ring ikuwento ang inyong mga kuwento, lalo ng mga kabataang nasa ibayong dagat..
Sana’y ibahagi ninyo sa akin at sa mga kapwa mambabasa kung paano kayo napadpad at ano ang nagtulak sa inyo sa ibayong dagat; kung paano ninyo pinalilipas ang panahon kapag walang trabaho; ang mga saloobin ninyo sa pamumuhay nang malayo sa pamilya’t mga kaibigan; ang mga opinyo ninyon tungkol sa mga kaganapan sa ating bansa; at iba pang mga bagay na nais ninyong talakayin natin. I-email lamang ninyo ako sa ederic@gmail.com.
Dahil ang Tinig ng Bagong Salinlahi ay boses ko at boses ninyo, at kayo ang Person of the Year ng munting espasyong ito sa Pinoy Gazette, sana’y makarinig ako mula sa inyo.
(Pinoy Gazette)