Nagulat ako noong ipahayag ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero – isa sa mga inaasahang tatakbo sa pagkapangulo – ang kanyang pagkalas sa Nationalist People’s Coalition – ang partido ng kilalang Marcos crony na si Danding Cojuangco. Di gaya ng dapat sana ay running mate niyang si Senador Loren Legarda, si Chiz ay matagal nang kasapi ng NPC.
Pero mas lalong akong nagulat nang ang mga kaibigan kong aktibista ay bigla na lamang nagpakita ng tila pagkagiliw kay Chiz, kahit ayon sa mga ulat ay ang kampo ni Senador Manny Villar ang aktibong nakikipag-usap sa kanilang grupo. Nauna na ring in-endorso si Chiz ng Magdalo – ang samahan ng mga sundalong nagsusulong ng pagbabago.
Dahil di ko pinakinggan ang buong pahayag ni Chiz sa robotic na paraan niya ng pagsasalita, minabuti kong basahin nang maigi kanyang talumpati. Tumutumbok sa kalayaan ng isang kandidato mula sa partido ang mga dahilang ibinigay ni Chiz sa kanyang pag-alis sa NPC. Totoo namang dapat ay may sariling paninindigan ang isang kandidato. Pero maaari namang magkaroon din ng malayang kaisipan ang isang kandidato kahit may na kinabibilangan siyang partido.
Sa tingin ko, hindi ang pagkakaroon ng partido ang problema ni Chiz. Hindi kaya ang mismong NPC ang problema? Malabo kasi kung oposisyon o administrasyon ang partidong ito, at tulad ng Lakas-CMD-Kampi ay model party ng traditional politics.
Samantala, matitindi at tiyak ang mga isyung binanggit ni Chiz sa kanyang talumpati: katiwalian sa gobyerno, pork barrel abolition, contractualization of labor, dignidad ng mga pulis at sundalo, kapakanan ng mga OFW, at repeal ng oil deregulation law.
Kahit hindi niya direktang ipinangakong bibigyang-lunas niya ang mga problemang ito – at hindi pa rin naman siya nagdeklara ng kandidatura – sinabi niyang mahalagang maging malaya mula sa isang partido para maharap ng isang kandidato ang mga usaping ito. Masasabing ang mismong pagbanggit niya sa mga isyu ay pagpapakita rin niya ng kahandaang talakayin ang mga ito. Naiintindihan ko na ang mga kaibigan kong aktibista at ang mga repormistang sundalo.
Ngunit kung paanong sinasabi ng iba na huwag basta-basta magpapadala sa bandwagon at star power, naniniwala rin akong dapat balikan ang background at track record sa paglilingkod ng mga kumakandidato at nagbabalak kumandidato. Kahit laging nakikita si Chiz sa media, wari’y kulang ang output niya sa Kongreso. Bukod sa nagsimula at nanatili siya nang matagal sa NPC ni Cojuangco, anak siya ng isang naging ministro sa gabinete ni Ferdinand Marcos. Isa rin siya sa mga brat pack na nagtangkang i-impeach si Chief Justice Hilario Davide.
Naniniwala rin ako na kailangang suriin ang tunay na dahilan ng mga ikinikilos at sinasabi ng mga kandidato. May mga ulat na nagsabing kumalas si Chiz sa NPC matapos mabigong makakuha ng mas malaking pondo para sa kanyang kampanya. Itinanggi ito ni Chiz.
May mga nagsasabi rin na ang pag-alis pagiging independent ni Chiz ay dala ng pagkasuya sa nasaksihan at naranasan niyang transactional politics sa dati niyang partido. Mas katanggap-tanggap ang huling dahilan.
(Pinoy Gazette)