“This is the last performance of my life. And I will not fail you. Itong laban na ito ang magiging huling pelikula ng aking buhay. Nguni’t ang bida dito ay hindi ako kung hindi ang masang Pilipino.”
‘Yan ang pangako ni dating Pangulong Joseph Estrada nang ipahayag niya sa Tondo kanyang balak na tumakbo sa pagkapangulo sa eleksyong 2010.
Ang mahihirap muli ang nililigawan ni Erap. Ngunit makumbinsi pa kaya sila ng kanilang idolo?
Mahalagang balikan ang mga nangyari sa panunungkulan ni Estrada. Ang mga bagay na ito’y di lingid sa publiko. Sa kanyang inaugural address noong 1998, sinabi ni Erap:
“Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak o anak na maaaring magsamantala ngayon at ngayon pa lamang sinasabi ko sa inyo nag-aaksaya kayo ng panahon. Huwag ninyo akong subukan.”
Ngunit kakaupo pa lamang ni Estrada sa puwesto, gusto na niyang gawan ng pabor ang isang kaibigan. Ninais niyang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dikdator na si Ferdinand Marcos. Hindi lamang ito natuloy dahil sa pagtutol ng publiko.
Isa rin sa mga naging dahilan ng pagkaka-impeach ni Erap noong Nobyembre 2000 ay sinasabing pakikialam niya sa imbestigasyon ng Securities and Exchange Commission sa BW Resources scandal para mailigtas ang kaibigang sangkot sa kontrobersiya.
At malilimutan ba ang midnight cabinet ni Estrada? Sila yung mga katropa at kabisyo niyang bagama’t walang opisyal na papel sa gobyerno ay may napakalaking impluwensya kay Erap. Ayon nga sa isang artikulo ng beteranang peryodistang si Ellen Tordesillas, may mga mahahalagang desisyon ang noo’y pangulo ng bansa na nagawa niya hindi habang nasa cabinet meetings, kundi habang kasama ang kanyang mga kabarkada.
Bukod sa pamamayagpag ng kanyang mga kaibigan — kabilang si Chavit Singson, na kalauna’y bumaliktad at tumulong sa pagpapatalsik kay Erap — marami pang mga bagay na nangyari noong maluklok sa Malacanang ang artistang kumpare ng bayan.
Kahit isa siya sa Magnificent 12 senators na noong 1991 ay tumutol sa pagpapalawig ng pananatili ng US military bases sa Pilipinas, sinuportahan ni Erap at ipinasa ng mga kaalyado niyang senador ang Visiting Forces Agreement noong 1998. Ngayon, nakikita natin kung gaano ka-unfair ang kasunduang ito.
Samantala, sa halip na ituloy ang usapang pangkapayapaang isinulong ng mga administrasyong Aquino at Ramos, pinili ni Estrada ang all-out war laban sa mga rebeldeng Muslim sa Mindanao.
At sa ilalim ng kanyang rehimen, nanganib ang kalayaan sa pamamahayag. Bilang protesta sa kritikal na pag-uulat, binoykot ng mga kaibigan niyang advertisers ang Philippine Daily Inquirer. Napilitang namang magsara ang Manila Times matapos mapikon si Erap at ma-pressure ang mga may-ari nito. Kalaunan, ang Times ay nabili ng isang barkada ni Erap.
Anim na taon matapos mapababa sa puwesto, nahatulang maysala si Estrada sa kasong pandarambong o plunder dahil sa pagtanggap ng suhol mula sa jueteng at ng komisyon sa pagbili ng GSIS at SSS ng shares ng Bell Corporation.
‘Yun nga lang, pinatawad siya ni Gloria Macapagal-Arroyo. Pinatawad na rin kaya siya ng sambayanan? Malalaman natin sa Mayo 2010 kung pagbibigyan ng masa ang huling hirit ni Erap.
(Pinoy Gazette)