Di bababa sa 57 na buhay ang kinitil sa massacre sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao noong umaga ng Nobyembre 23, 2009.

Kabilang sa mga pinatay ang may 30 mamamahayag. Itinuturing itong pinakamatinding atake sa mga mamamahayag sa makabagong panahon. Inilagay rin nito ang Pilipinas sa itaas ng listahan bilang pinakamapanganib na bansa sa mundo para sa mga nagtatrabaho sa media.

Balak hamunin ni Esmael Mangudadatu, vice-mayor ng Buluan, Maguindanao, ang kapangyarihan ng angkan ng Ampatuan — na kaalyado ni Gloria Macapagal-Arroyo — sa lalawigan ng Maguindanao. Tatakbo siyang gobernador, at inaasahang makakalaban niya si Andal Ampatuan, Jr., mayor ng bayan ng Datu Unsay. Nasa ikatlong termino na kasi si Gobernador Andal Ampatuan, Sr. Ayon kay Mangudadatu, nakatanggap siya ng bantang may masamang mangyayari kapag itinuloy niya ang kanyang balak.

Kaya naman sa halip na siya mismo ang mag-file ng certificate of candidacy, ang pinapunta ni Mangudadatu sa tanggapan ng Commission on Elections ay ang kanyang asawa, mga kapatid na babae, at mga abogadong babae, kasama ang kanyang mga tagasuporta at mga mamamahayag. Sa ilalim daw kasi ng kanilang relihiyong Islam, hindi isinasali sa tunggalian ng mga lalaki ang mga babae.

Ngunit hinarang, dinukot, pinagpapatay, at ibinaon ng mga armadong lalaki ang convoy ng mga Mangudadatu at kanilang mga kasama. Nasa custody na ng National Bureau of Investigation ang pangunahing suspek na si Andal Ampatuan, Jr., at sinampahan na siya ng kasong multiple murder.

Bilang tugon, sa pamamagitan ng Proclamation 1959 ay isinailalim naman ni Arroyo sa ilalim ng martial law ang buong lalawigan ng Maguindanao — maliban sa ilang teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front doon — noong Disyembre 4, 2009.

Ayon sa Palasyo at militar, di na makakilos ang mga tanggapan ng gobyerno dahil sa banta ng karahasan mula sa mga armadong grupo ng pamilya Ampatuan. Dahil pinagkakaitan daw ng mga armadong grupong ito ang gobyerno ng kapangyarihang ipatupad ang batas, nagaganap ang krimen ng rebelyon kaya puwede ring magdeklara ng martial law.

Sa ilalim ng Saligang Batas, maaaring isailalim ng pangulo ang buong bansa o alinmang bahagi nito sa batas militar panahon ng pananakop o rebelyon. Ngunit kakatwa at marami ang di kumbinsidong ang sinasabing banta ng private army ng mga Ampatuan ay maaaring ituring na rebelyon.

Pagkalipas ng isang linggo — at sa gitna ng malawakang pagtutol ng iba’t ibang sektor — tinapos na ni Arroyo ang martial law sa Maguindanao. Ngunit may mga nagsasabing tinesting lang ni Gloria ang sitwasyon. Posible raw may iba pa siyang balak na mas malaki kaysa rito. Baka ang naiisip niya ngayon ay “Ganito kami sa Maguindanao. Ganito sana sa buong bansa.” Espekulasyon, oo. Pero di ba ang pagtakbo niya sa Kongreso sa 2010 ay naunang itinuring na biro lang?

Ampatuan Massacre at martial law. Nakakagulat at nakakagalit ang kayang gawin ng tao para lamang manatili sa kapangyarihan.

*Ang ilang bahagi ng artikulong ito ay unang nalathala sa www.ederic.net, ang blog ng may-akda

(Pinoy Gazette)