“Isang taon na ang nakalipas mula nang ako ay ginahasa at itinapon ng mga Amerikanong sundalo sa tabi ng daan na parang baboy. Sa araw na ito noong nakaraang taon, pumunta ako sa Subic kasama ang aking mga kapatid para magbakasyon. Noon, punung-puno ako ng buhay at pag-asa sa aking kinabukasan. Noon, masaya akong nabubuhay kasama ang aking pamilya. Hindi ko akalain na ang aking pagbakasyon sa Subic ay hahantong sa isang trahedya. Sa araw na ito noong nakaraang taon, nagbago ang aking buhay.â€
Ganito sinimulan ng biktimang tinatawag na si Nicole ang kanyang pahayag sa unang anibersaryo ng kontrobersyal na Subic Rape case. Punung-puno ng hinaing ang pahayag ni Nicole. Ikinuwento niya ang naranasan niya sa paghahanap ng katarungan: “Hindi naging madali ang aking pagsampa ng reklamo laban sa aking mga rapists. At lalong hindi naging mabait sa akin ang sistema nang ako’y magdesisyon na ituloy ang aking kaso,†ayon kay Nicole.
Sa halip daw na ang gobyerno ay maging kakampi niya sa kanyang laban, mas pinahirap pa nito ang kanyang sitwasyon: “Wala ni isang pahayag ng suporta ang nanggaling sa ating babaeng Pangulo, samantalang ang Kalihim ng Department of Justice (DOJ) ay paulit-ulit pang pinagtanggol ang aking mga rapists.â€
Nakapagtatakang nananahimik na naman ang babaeng Pangulo sa kaso ni Nicole, na parang bang ito’y ang â€Hello Garci.†Hindi naman siguro masasabing takot siyang mabosesan.
Samantala, kung nasubaybayan ninyo ang mga balita, alam ninyong sa una pa lamang ay ibinaba na ni DOJ Sec. Raul Gonzalez ang kaso ng tatlo sa apat na mga suspek. Mula sa pangunahing akusado, ginawa silang mga kasabwat lamang. Napaulat ding hinikayat ng mga prosecutor ng DOJ ang nanay ni Nicole na makipag-ayos na lamang. Nang hilingin ng kampo ni Nicole na palitan ang mga prosecutor na tila kumakampi pa raw sa kalaban, hindi pinagbigyan ng DOJ si Nicole. Pero kamakailan lamang, sinibak naman ni Gonzalez si Atty. Hazel Valdez, ang prosecutor na umalma nang ikansela ng mga kasama niya ang naka-schedule na prosecution’s rebuttal para sagutin ang argumento ng mga suspek.
May mga nag-iisip na deserving si Nicole na makaranas ng ganyang pagtrato. Pokpok daw si Nicole, sabi ng iba. Pero ayon sa mga nakakakilala sa biktima, isa siyang disenteng babaeng mula sa isang pamilyang may kaya rin naman.
Sabi ng iba, hinanap daw ni Nicole ang nangyari sa kanya. Bakit daw siya pakalat-kalat sa bar at nakikipagsayaw sa mga lalaki? Bigyan natin sila ng time machine–baka sakaling makita nila ang mga kapanahon nilang sina Maria Clara o ang mga prayleng ayaw magbigay ng pantay na karapatan sa mga babae at lalaki.
Ayon sa isa sa apat na suspek, mukhang nagkagustuhan daw sina Nicole at Smith, kaya walang rape. Pero kahit sa mag-asawa, ang pamimilit ay panggagahasa. Sa kaso ni Nicole, na wala sa sariling wisyo dahil naparami ang ininom, pagsasamantala pa rin ang ginawa ni Smith.
Mas nakakagalit ang ganitong pagsasamantala sa kabila ng katotohanang ang mga dayuha’y may ngiti at buong paggiliw na tinatanggap ng maraming mga Pilipino.
At mas masakit isiping ang ganitong mga pangyayari ay paulit-ulit na lang nangyayari sa bawat yugto ng ating kasaysayan. Mula sa mga Kastila hanggang sa mga Kano at Hapon, paulit-ulit nang nagahasa ng mga dayuhan di lamang ang ating mga kababaihan, pati ang ating buong lipunan, kultura’t kalikasan.
Binago ng Subic Rape case ang buhay ni Nicole. At sa kanyang pagtayo at paglaban, sana’y baguhin rin ng kasong ito ang kasaysayan ng bayang Pilipinas. Nawa’y makamtam ni Nicole ang katarungan, at makita ng mundo na ang Pilipinas ay isa nang bayang may hiya’t pagdaramdam at may pagpapahalaga sa karangalan.
(Ppinoy Gazette)