Habang isinusulat ito, kasalukuyang nagaganap sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ang isang rally laban sa katiwalian sa ilalalim ng administrasyong Gloria Macapal-Arroyo. Pinangungunahan ito ng mga kabataan at ayon sa CBCPNews.com ay inaasahang dadaluhan nang may 10,000 katao muna sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ganito ang pahayag ng Youth Act Now, ang alyansa ng mga student organizations, councils at publications sa iba’t ibang paaralan sa Pilipinas na nanguna sa pagtawag ng rally: “The government has lost its moral ascendancy to govern due to the long list of scandals, electoral fraud and corruption issues that have mired its rule. The Arroyo administration has long ceased to perform as a role model government for the youth. It has caused the widespread disillusionment among young people and have been a disappointment to the youthâ’s desire to instill reforms in government.”

Sinusundan ng malaking raling ito ang sunud-sunod na walkouts, noise barrage, candle-lighting, fora, at iba pang mga pagtitipon ng mga estudyante sa iba’t ibang kampus, lalo sa mga paaaralang binibisita ni Rodolfo Noel “Jun” Lozada, ang testigong kinuha ng mga galamay ng gobyerno upang makaiwas sa pagdinig sa Senado tungkol sa kinanselang ZTE broadband deal. Lumahok din ang maraming kabataan at estudyante sa pinakamalaking protesta laban sa katiwalian sa gobyernong Arroyo na ginanap noong Pebrero 29 sa Ayala Avenue sa Makati.

Nang dumalaw si Lozada Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila, noong umaga bago ang Ayala rally, sinubukan siyang pigilan ng isang isang bomb threat na ayon sa mga estudyante ay gawa-gawa lamang. Kampi kasi kay Arroyo ang pamunuan ng PUP. Ngunit naging matigas ang mga mag-aaral. Nakipagtulakan, nakipagbalyahan sila sa mga security guard at pulis na nagpilit na isarado ang gate ng kampus. Nang makapasok na si Lozada, taas-kamao siyang sinalubong ng libu-libong mga mag-aaral na nag-walk out sa kanilang klase kasama ang kanilang mga guro. Una nang nagtipun-tipon sa Unibersidad ng Pilipinas ang may isanlibong law students mula sa UP, Ateneo de Manila University, University of the East at University of Santo Tomas noong Pebrero 22 at nasundan ng mga kaparehong pagkilos sa iba pang paaralan.

Noong unang tatlong buwan ng taong 1970, sunud-sunod na protesta ng mga estudyante ang yumanig sa bansa. Ito ang naging tugon ng mga kabataan at mga mag-aaral na naging mulat sa krisis ng lipunan sa ilalim noong panahon ni Marcos. Nakilala ang seryeng ito ng mga protesta bilang First Quarter Storm (FQS).

Naging malakihan ang mga rally dahil nagkaisa ang dati’y magkakaribal na grupong aktibista. Pati ang mga dati’y sosyal at moderates ay naki-make baka. Hindi sila natakot. Pero nabalot din ng karahasan ang mga rally. Noong Enero 30, 1970, hindi bababa sa lima ang namatay nang maging marahas ang sagupaan ng mga kabataan nagpoprotesta at mga pulis.

Naitala sa kasaysayan ang panahon ng FQS bilang maningning na halimbawa ng lakas ng kabataang lumalaban. Ang mga kasalukuyang pangyayari ay nagpapakita ng unti-unting pagkamulat ng mga kabataan. Huling nakita ang ganitong pakikisangkot ng mga kabataan noong People Power 2.

Habang patuloy na umiinit ang galit ng mga kabataan sa rehimeng Arroyo, lalo ring humihigpit ang hawak ni Arroyo sa kanyang trono. Tila handa siyang gawin ang lahat huwag lamang malaglag sa puwesto. Sa ilalim ng kanyang administrasyong kilala sa paglabag sa karapatang pantao, uso ang police brutality. Nawa’y di na umabot sa marahas na sagupaan gaya noon ang mga protesta ngayon. Pakinggan na sana ni Arroyo ang sigaw ng bagong First Quarter Storm.

(Pinoy Gazette)