Ka-chat ko kagabi ang isang twenty-something na bagong contributor ng Tinig.com, ang aking online magazine. Tungkol sa pakikisangkot sa halalan ang artikulong ipinasa niya sa amin. Ganito ang bahagi ng isinulat niya: “Sabi ko sa sarili ko, di na ako magiging pipi at bingi. Hindi na ako magpapadala sa sulsol ng ibang tao. Susundin ko ang aking konsensya sa pagpili ng karapat-dapat na iluklok sa halalan.”

Habang nagcha-chat kami, malungkot na ikinuwento rin niya sa akin na laganap ang bilihan ng boto sa kanilang lugar. Sa kabila nito, nakakatuwang malaman na kahit naba-bad trip sa ganitong kalakaran, nakiisa at lumahok pa rin siya sa eleksyon. Tumulong pa nga siya sa kampanya ng pinaniniwalaan niyang kandidato.

Iyong isang nakababatang pinsan ko naman, naging aktibo rin sa kampanya ng kanilang kandidato sa aming probinsiya. Nang tawagan ko siya kahapon upang mangumusta at magpatulong sa paghahanap ng case study na kailangan ko sa isang article, abala siya sa pagbabantay ng boto sa bilangan sa aming munisipalidad.

Ayon sa Commission on Population, noong halalan ng 2004 ay 20 hanggang to 30 bahagdan ng mga voters ang nanggaling sa sektor ng kabataan. Inaasahang ganoon karami rin daw ang kabataang lalahok sa susunod na dalawang presidential elections. At kahit na wala pang iisa at universal na definition ng kabataan, ang mahalaga’y nakikita nating may interes ang ating henerasyon–ako po ay 28 gulang pa lamang–sa pakikilahok sa patuloy na pagpapanday ng ating demokrasya.

Ang ganitong interes sa pakikisangkot sa democratic processes ay nakita rin sa mainit na pagtanggap ng mga kabataan sa party-list group na Kabataan Party, na bagamat dehado pa sa kasalukuyang bilangan pumasok sa winning circle sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations bago ang eleksyon.

Isa ang kabataan sa mga nagsusulong ng bagong pulitika. Mga organisasyon ng mga aktibistang kabataan at mag-aaral ang bumubuo sa partidong ito. Edukasyon, trabaho, good governance, consumer rights, hustisya at kapayapaan, kalayaan, demokratikong mga karapatan, youth empowerment, pambansang pagkakakilanlan, at kultura ang mga isyung itataguyod nila kung makakaupo sa Kongreso. Dahil sa kakulangan sa pananalapi, naging malaking bahagi ng kampanya ng Kabataan Party ang Internet. Sa YouTube nga nila ini-upload ang videos kasama ang celebrity endorsers nilang sina Angel Locsin, Dennis Trillo, Atom Araullo, Ciara Sotto, Paolo Ballesteros, Marvin Agustin, at iba pa.

Ilang araw bago ang eleksyon, nakipagkita ang kaibigan kong si Mong Palatino, ang pangulo ng Kabataan Party, sa mga kapwa niya bloggers upang paghandaan ang Kabataan Cyber-Fever, na siyang huli nilang hirit sa Internet. Kabilang sa mga dumalo sina Shari Cruz (www.misteryosa.com), ang nanalo ng Best Personal Blog Award sa unang Philippine Blog Awards; Victor Villanueva (www.bikoy.net), na naging finalist sa parehong kategorya; at Jhay Rocas (www.jrocas.com.ph), estudyante ng De La Salle University-Dasmarinas. Naroon din sina Vencer Crisostomo (student strike.blogspot.com) at Sarah Katrina Maramag (adarna.blogspot.com) ng Young Radicals blog (youngradicals.blogspot.com) na naglunsad noong 2005 ng matagumpay na Pekeng Pangulo Googlebombing laban kay Pangulong Arroyo.

Maliban sa inaasahang tagumpay ng Kabataan sa party-list, mga mas nakababata rin ang lumilitaw na mga bagong lider. Sabi nga ng kaibigan kong si Rodel sa isang chat session namin habang nanonood ng initial results ng election sa Namfrel count: “Actually medyo maganda ang pangyayari sa kasalukuyan kasi apat sa mga pasok sa top 12 slots eh mga bata pa: (Francis) Escudero, (Antonio) Trillanes, Noynoy (Aquino), (Allan) Cayetano. It’s good sign.”

Kung magtutuluy-tuloy ang ganitong trend, mukhang may maaasahan ang bayan mula mga kabataan. Sana lang, hindi tayo mapangibabawan ng mga trapong nagmula sa ibang panahon sa ating kasaysayan.

(Pinoy Gazette)