Isa na namang pag-aalsa ang nagaganap sa Makati nitong Nobyembre. Nag-walkout sa paglilitis ng kanilang kaso sa korte sina Senador Antonio Trillanes at Brig. Gen. Danilo Lim kasama si dating Pangalawang Pangulong Teofisto Guingona saka nagmartsa patungo sa Peninsula Hotel. Doon sila nanawagan sa mga mamamayan at sa mga sundalo na wakasan na ang rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.
Nakiisa rin sa kanila ang dalawang obispo, sina Archbishop Emeritus Julio Labayen ng Infanta, Quezon at Bishop Antonio Tobias ng Novaliches, at ilan pang mga kilalang kritiko ng gobyernong Arroyo tulad nina dating PNP Chief General Ramon Montano at dating University of the Philippines President Prof. Francisco Nemenzo, na pinuno ng Laban ng Masa.
Ayon sa grupo sa kanilang pahayag na binasa ni Gen. Lim, sinubukan na nila ang lahat ng paraang para labanan ang mga kalabisan ng rehimen, subalit ang lahat ng kanilang pagkilos ay sinansala ni Arroyo sa pamamagitan ng Executive Order 464 at iba pang mapanupil na paraan. Maging ang mga protesta sa kalsada ay sinalubong naman daw ng water cannon at pamalo.
Dahil dito, patuloy pa rin daw ang mga katiwalian sa pamahalaang Arroyo. Muli nilang inisa-isa ang mga kontrobersiyang kinasangkutan ng kasalukuyang administrasyon: ang pandaraya sa 2004 eleksyon na kilala rin sa tawag na Hello Garci Scandal, ang Jocjoc Bolante fertilizer scam, ang suhulan daw kaugnay ng IMPSA, ang “Jose Pidal†at jueteng scandals, ang Northrail Project, ang Venable contract, ang NBN o ZTE scandal, at ang panunuhol sa mga gobernador at mambabatas sa Malacanang, ang tuluy-tuloy na mga kaso ng extrajudicial killings of citizens, at ang paggamit daw ng sa mga pulis at sundalo sa anila’y “unlawful missions.”
Subalit bigo ang grupo nina Senador Trillanes na makuha ang aktibong suporta ng mga mamamayan. Ayon sa mga ulat, may iilan-ilang nagtipun-tipon sa may monumento ni Ninoy Aquino. Ngunit di naganap ang inaasahang isa na namang EDSA ni VP Guingona. Ang Bagong Alyansang Makabayan, itinanggi ang kinalaman sa pag-aalsa kasabay ng patuloy na pagkondena kay Arroyo. Ang Kapatiran Party, nagtawag ng pagbibitiw nina Arroyo at VP Noli de Castro kasabay ng pagsasabi di nakabubuti sa karamihan ang pag-aalsa.
Samantala, gaya ng dati, sunud-sunod ang paniniyak ng Palasyo na kontrolado nila ang lahat. Patuloy raw na itataguyod ang batas.
Nakagugulat din ang reaksyon sa pag-aalsa ng marami sa middle class, lalo na ng mga tao sa online community. Matindi ang galit nila sa grupo nina Trillanes. Gusto nilang mamatay na ang rebeldeng senador. Inantala ang normal na takbo ng kanilang buhay. Sinira ang kanilang schedule. “Kill those bastards,” ang siguradong nasa isip nila.
Nagtataka ako sa ganitong reaksyon. Ang mga taong nais nilang mamatay ay ilang sa mga iilang taong kahit paano’y may maipagmamalaking integridad at katapangan. Nagtatawag sila ng pagbabago at nananawagan ng suporta mula sa mga mamamayan, ngunit mukhang pagod na sa pakikibaka ang bayan.
Naniniwala akong sa kaloob-looban natin, gusto rin natin ng pagbabago. Ngunit sa kabila nito, nagagalit tayo sa mga mapangahas na nais gumambala sa pagiging ordinaryo ng ating pang-araw-araw na buhay.
(Pinoy Gazette)