Habang nagbubunyi ang sambayanang Pilipino sa muli na namang tagumpay ng pambansang kamaong si Manny “Pacman” Pacquiao, ginulantang naman ang bansa ng balita ng biglaang pagpanaw ng Starstruck idol na si Marky Cielo.
Umaga pa lamang ay marami na ang nag-aabang sa kalalabasan ng laban nina Pacman at Oscar “The Golden Boy” De la Hoya. Tuwing may laban si Pacquiao, parang national holiday — kokonti ang mga taong kumakalat-kalat sa kalsada. Halos lahat ay nag-aabang sa radyo, telebisyon at Internet ng announcement ng kanyang pagkakapanalo.
Kapag may laban si Manny, parang nagkakaisa ang mga Pilipino. Nagpupuntahan sa Vegas ang mga kaibigan niya sa administrasyon, at nagpapahinga ang mga aktibista’t mga taga-oposisyon. Tumatahimik ang bansa at bumababa ang bilang ng mga krimen.
Kasabay ng pagwawagi ni Pacman ay ang mga suggestion na magretiro na siya. Pero umugong din ang mga haka-haka at analysis sa kung sino ang susunod na makalaban niya. May mga balita rin na muli raw sasabak si Pacquiao sa pulitika. Quezon City nga raw ang target niya.
Pero dahil sariwa pa ang tagumpay ni Manny, deadma na muna ang mga tao sa pulitika. Kapag si Pacman ay nakakapagpatumba, daig pa ang panalo ng Ginebra. Halos ang buong Pilipinas ay sumasaya. Nakakalimutan ang cha-cha at maiitim na balak ng mga alipores ni Gloria!
Nasa ganyan tayong kalagayan — panahon ng pagiging proud to be Pinoy — nang pumutok naman ang balitang di na nagising mula sa pagkakahimbing ang Kapusong aktor na Marky Cielo, 20, sole survivor ng Starstruck season 3.
Lumabas na si Marky sa ilang TV shows ng GMA-7 gaya ng Encantadia, SOP, at huli siyang napanood sa La Lola. Magaling din siyang mananayaw, at tumatayong Youth Spokesperson ng DOH ang binatang ipinagmamalaki ng mga kababayan nating Igorot.
Ngunit para sa maraming manonood — kabilang ako — at lalo na sa mga bata, si Marky ay maaalala bilang si Zaido Green o palabas na sa Zaido: Pulis Pangkalawakan.
Ang Zaido ay ibinase sa istorya ng paborito kong Japanese superhero na si Shaider, na isa nang icon ng mga batang Pinoy noong 1980s. Sa Zaido, si Marky ay ang bagong Alexis, isa sa mga apo ng orihinal na pulis pangkalawakan na si Shaider.
Ilang taon na ang nakalilipas, nagluksa rin ang Pinoy fans ni Shaider nang kumalat sa Internet ang balitang namatay na noon pang 2001 si Hiroshi Tsuburaya, ang artistang gumanap na Shaider. Samantala, noong 2002 ay pumanaw rin si Rico Yan, na gaya ni Marky ay idolo rin noon ng maraming kabataan.
Sadya nga yatang ganyan ang buhay. Naghahalo ang lungkot at saya. Ngunit iisa lang ang di magbabago — sa tagumpay man o paglisan, ang mga idolong tulad nina Manny at Marky ay di iniiwan ng mga kanilang mga tapat na tagahanga.
(Pinoy Gazette)