Maging ang mga Pilipino ay todo ang naging pagbubunyi sa pagkakapanalo ni Barack Obama, ang magiging kaunaunahang Afro-American US president.

Natuwa ang maraming mga Pilipino — na ang buhay at kasaysayan ay di na yata maihihiwalay kailanman sa Amerika — sa pagkakapanalo ni Obama. Sa Internet, may mga Pinoy blogger na tuluy-tuloy ang pagsusulat tungkol sa US elections, iisipin mong rehistradong US voters sila.

Sabagay, pagbabago kasi ang pangako ni Obama. Gaya ng mga Kano, umaasa ang mga Pilipinong babaguhin ni Obama ang mga patakaran ng kanyang papalitan — si George W. Bush, na wari’y idolo ni Gloria Macapagal-Arroyo, ang pangulo ng Pilipinas.

Sa gitna ng pagtutol ng napakaraming mga Pilipino, sinuportahan ni Arroyo ang giyera ni Bush sa Iraq. Medyo nag-lie low lang siya noong 2004 nang kidnapin sa may Iraq at pagbantaang pupugutan ng ulo ng Islamic militants si Angelo dela Cruz, isang OFW. Dahil sa takot na lumaki ang mga protesta laban sa kanyang gobyernong sinisi ng mga tao sa nangyari, napilitan si Arroyo na pauwiin ang mga sundalong Pinoy na nasa Iraq.

Marami pang mga pagkakahawig ang gobyernong Bush at Arroyo, lalo na sa mga isyu ng paglabag sa karapatang pantao. Kung paanong sukang-suka na ang mga Kano kay Bush at sa kanyang partido, kalahati ng mga Pilipino ay wala nang tiwala kay Arroyo at pikon na sa mga kaalyado niya. Sa isip siguro ng marami, ang pagkatalo ng kapartido ni Bush ay para na ring pagkatalo ng mga alipores ni Arroyo.

At dahil din sa tagumpay ni Obama, marami nang mga pulitikong Pinoy ang nagtatangkang gayahin siya. Lahat sila’y gustong maging Pinoy Obama. Ngunit para sa akin, ang tagumpay na gaya ng kay Obama ay magiging makabuluhan lamang sa Pilipinas kung ito’y mararanasan ng isang hindi galing sa linya ng mga traditional politician. Mas maihahambing ang pagkakapanalo ni Obama sa pagwawagi ni Among Ed Panlilio laban sa mga malalaking pulitiko sa Pampanga. Kapwa sila nangako ng pagbabago at iniluklok ng mga botanteng nagkaisa at naniwalang kaya nilang magwagi.

Ngunit higit sa paghahanap ng Pinoy Obama, sabi nga ng kaibigan kong si Mong Palatino, “it should make Filipinos remember that they were once the ‘Obamas’ who taught the world to affirm the principles of democracy. They once took the global center stage for valiantly fighting a corrupt and despotic government. Filipinos have already proven that they are capable of inspiring great political ideas and actions around the world.”

Ang EDSA People Power 1 ang tinutukoy ni Mong, na naging inspirasyon sa buong mundo. Sana nga, sa inspirasyon ni Obama, maulit natin ang People Power — this time, gawin natin ito sa loob ng proseso ng eleksyon. At sana’y maganap ito hindi lamang sa isang lalawigan gaya ng Pampanga — di nga ba’t ang panalo ni Among Ed ay tinawag ding Pampanga’s People Power? — kundi sa buong bansa.

(Pinoy Gazette)

Related Works
8 Comments

Add comment

Privacy Preference Center