Sa gitna ng magkasunod na krisis sa bigas at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, nagmamatigas ang gobyerno na hindi dapat tanggalin ang value added tax (VAT) na pasanin kung ituring ng maraming Pilipino. Bakit di na lang pagbigyan ang hiling ng mga mamamayan? Sa halip, yosi at iba pang bisyo ang pagkakitaan?

Habang humahaba ang pila sa mga bigasan ng National Food Authority, halos walang patid naman ang lingguhang pag-akyat ng presyo ng gasolina. Tumaas ang pasahe at tumataas na rin ang presyo ng mga bilihin. Walang magawa ang mga tao kundi maghigpit ng sinturon. Ang iba’y umaasang maambunan ng mga patak ng grasyang ipinamimigay ni Pangulong Arroyo.

Nagkukumahog ang pamahalaan sa pagsisikap na pansamantalang maibsan ang paghihirap ng mga mamamayan at sa gayo’y mailigtas ang trono ng pagkapangulo ni Arroyo, na nais nang pababain ng marami mula pa noong pumutok ang kontrobersiya ng Hello Garci. Namimigay ang gobyerno ng family access card sa murang bigas, P500 subsidy sa kuryente, at iba pa. Ngunit hanggang saan ba aaabot ang tapal na kapirasong tela kung ang pagdurugo’y di maampat-ampat?

Nitong Hulyo 18, libu-libong mga kabataan ang nag-walkout sa kanilang mga klase at nag-rally sa Maynila upang hingin ang pagtatanggal sa VAT sa langis, pagpapawalang-bisa sa oil deregulation law, at pagpapasa sa P125 across-the-board na pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa.

Maging ang ilang senador gaya nina Mar Roxas (Liberal Party) at Chiz Escudero (Nationalist People’s Coalition) ay gusto ring tanggalin ang VAT sa langis. Ayon kay Roxas: “Pinalalabas na nakasalalay sa VAT sa langis ang silbi ng gobyerno, na kapag nawala ito ay wala na silang magagawa. Samantala, hindi pa naman nalulubos ang iba pang paraan para magkaroon ng dagdag na pondo ang gobyerno para sa mga programa nito.”

Kabilang sa mga tinukoy ni Roxas na dapat tingnan ay ang Kilos Asenso Fund at iba pang mala-pork barrel na pondong kadalasa’y naibibigay sa mga lokal na opisyal na kaalyado ng administrasyon.

Samantala, bakit hindi sa halip na ang VAT na dumaragdag sa pahirap sa mamamayan ang pagkunan ng gobyerno ng mga pondong ginagamit sa pamimigay ng pansamantalang ginhawa ay ang mga bisyong gaya ng yosi ang patawan ng napakataas na buwis?

P40 ang isang kaha ngayon ng sigarilyo. Bakit hindi ito patawan ng mas mataas na buwis? Dagdagan pa ang itinakda na ng Republic Act 9334 o sin tax law. Bakit di gawing doble o triple ang presyo nito? Baka kayanin din nito ang P80 bilyon kada taong kikitain daw sa VAT sa pinanghihinayangan ni Arroyo.

Sa halip na ang langis, na mahalagang bahagi ng buhay ng mga Pilipino, mas dapat buwisan nang malaki ang mga bisyong gaya ng alak at sigarilyo.

Kung gusto ng mga taong sunugin ang kanilang baga at sirain ang kanilang atay, dapat nila itong pagbayaran ng mahal — literally at figuratively.

Kung di man maging patok ang ganitong panukala — halimbawa’y di kumita ang gobyerno sa buwis dahil bumaba ang benta at pagkonsumo ng yosi at mga nakalalasing na inumin, kahit paano’y maaaring mababawasan ang gastusin at asikasuhin ng pamahalaan sa kalusugan ng mga mamamayan.

(Pinoy Gazette)

Related Works
4 Comments

Add comment

Privacy Preference Center