Ang bawat palahaw at hiyaw ng dalamhati, ang walang humpay na agos luhang sing-alat ng tubig sa dagat na kumitil sa buhay ng kanilang asawa, anak, kaanak, kaibigan, o kakilala — parang mga eksena sa pelikula na ulit lang nang ulit. Ganito ang pananaw ko sa mga pangyayaring nakukunan ng kamera ng mga taga-media sa tuwing may sakuna sa dagat.

Labintatlong taon na ang nakalilipas, buhay ng sarili kong ina ang kinuha ng dagat nang masunog at lumubog ang M/V Viva Antipolo VII sa pagitan ng Lucena at Marinduque. Kasama niyang pumanaw ang may mahigit 60 pang kababayan namin.

Sabi ko nga sa aking blog: “Pamilyar sa akin ang pagkapagal, ang kawalan ng katiyakan at kawalan ng pag-asa, at ang sa huli’y napakasakit na pagharap sa katotohanan ng kanilang paglisan. Ang bawat palahaw ay tila sarili kong sigaw ng pighati; ang bawat hikbi ay sarili kong hagulgol.”

Ang paglubog ng barkong M/V Princess of the Stars ng Sulpicio Lines dahil sa bagyong Frank ay replay na naman ng mapapait na mga eksenang paulit-ulit na nating nasaksihan. Mahigit 800 katao ang laman ng M/V Princess of the Stars nang bumaligtad ito sa dagat sa may Romblon. Sa pinakahuling tala, 300 katawan ng mga namatay na ang nakuha, samantalang 56 pa lamang ang naitalang nakaligtas.

Ngunit bakit kailangang paulit-ulit nating makita ang mga eksenang ganito? Di ba’t sa isang bansang binubuo ng mga pulo, ang kaligtasan sa paglalakbay sa dagat ay dapat maging pangunahing pinagkakaabalahan ng mga kinauukulan?

Base sa aking karanasan sa madalas din namang paglalakbay papunta at paalis sa aming islang lalawigan ng Marinduque, tila may kulang sa mga regulasyong ipinatutupad ng pamahalaan. Kung hindi man, hindi siguro wasto ang pagpapatupad ng mga umiiral na panuntunan.

Akala ko, pagkatapos ng paglubog at pagpatay ng M/V Viva Antipolo sa aking ina at sa marami pa naming mga kababayan, magiging maginhawa at higit sa lahat ay ligtas na ang aming paglalakbay sa dagat. Ngunit hanggang sa ngayon, ang mga barkong bumibyahe sa aming probinsya ay kapansin-pansing nagsasakay pa rin nang higit sa kaya nito. Para bang dyip na hangga’t may maiipit, may isisiksik. May pagkakataon pa ngang siningil kami ng pamasahe para sa aircon, pero naisiksik kami sa mainit na lugar sa tapat ng makina sa dulo ng lantsa.

Samantala, pagkatapos ng maraming mga sakuna sa dagat (49 ang naitala ng GMA News Research mula noong 1980), aakalain mong ang mga may-ari ng mga sasakyang pandagat ay gagawin ang lahat upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang crew at pasahero. Ngunit tila hindi ganito.

Tingnan ang Sulpicio Lines. Ito ang may-ari ng M/V Princess of the Stars at apat pang ibang barkong naaksidente na rin sa dagat, na kinabibilangan ng M/V Dona Paz — na ang pakikipagbanggaan sa M/T Vector noong 1987 ay itinuturing na pinakamalalang trahedya sa dagat sa panahong walang digmaan.

Sa pagdinig ng Board of Marine Inquiry, lumabas na pumalaot ang M/V Princess of the Stars nang hindi pinuno ng tubig ang ballast tank, na nagsisilbing pambalanse ng barko sa malalaking alon. Ginawa raw ito upang makapagsakay nang mas maraming cargo — at siyempre, para mas lumaki ang kita.

At sa kabila ng paninisi at pagsasampa ng kaso ng Sulpicio Lines sa Philippines Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services, na pinagtawanan lamang nitong huli, lumalabas na lumakad ang barko kahit alam na ng kapitan na may parating na bagyo.

Mukhang marami pang dapat gawin ang pamahalaan at kailangan pang makonsensya ng mga may-ari ng barko bago natin tuluyang malimutan at di na muling makita ang mga paulit-ulit na eksena ng trahedya.

(Pinoy Gazette)