Basta na lamang lumipas ang ika-20 ng Enero ng taong ito nang walang anuman. Para bagang isa lamang itong ordinaryong araw. Tila nakalimutan ng lahat na anim na taon na ang nakakalilipas nang araw na iyon, ang buong muno’y muling tumunghay sa Pilipinas habang kasagsagan ng pag-aalsang tinawag na EDSA Dos o People Power 2.

Di naman mahirap maintindihan kung bakit nagkaganito. Napako kasi ang mga pangako ng People Power. Ang taong nakinabang sa pagkakaisa ng sambayanan at naging pangulo, kinasusuklaman na ngayon ng marami at nais paalisin sa puwesto ng may kalahati ng populasyon dahil sa umano’y pandaraya niya noong nakaraang eleksyon.

Kahit ako, na aktibong nakiisa sa EDSA 2, ay iba ang iniisip nang mga araw na papalapit na ang anibersaryong People Power 2. Nakatutok sa mga personal na bagay ang atensiyon ko. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang biyahe pauwi ng Marinduque at ang pagbisita sa kamag-anak na may sakit sa Lucena, pati ang kaarawan ng namayapa kong ina.

Pero umalis man ako sa Kamaynilaan sa anibersaryo ng EDSA 2, ang lugar na pinuntahan ko–bagamat nakalugmok dahil sa dumaang mga mapaminsalang bagyo–ay may dahilan upang magbunyi. Sa Marinduque, nagkaroon ng resulta ang isang anyo ng People Power.

Di ba’t ang People Power ay pagpapakita ng lakas ng mga mamamayan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos? Sa paggamit ng pamamamaraang ito, nagtagumpay ang mga Marinduqueño na pigilan ang panibagong operasyon ng minahan sa aming lalawigan.

Masayang ipinahayag kamakailan ng Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC), ang official ‘delisting’ o pagkakatanggal ng Department of Environment and Natural Resources sa San Antonio Copper Project ng Marcopper sa listahan ng 24 na “mining priority projects” ng administrasyong Arroyo.

Ang opisyal na announcement ay nakapaloob sa isang sulat ni Director Horacio C. Ramos ng Mines and Geosciences Bureau noong Disyembre kay Most Rev. Reynaldo G. Evangelista, D.D., obispo ng Diocese of Boac ng Simbahang Katoliko.

Ang sulat ay sagot ng administrasyong Arroyo sa “Marinduque Declaration” na pinasimulan ng MACEC at nilagdaan ng may 10,765 Marinduqueño kabilang ang mga pinuno ng simbahan at lokal na pamahalaan. Ang dokumento ay pormal na humiling sa gobyernong Arroyo na tanggalin ang San Antonio Copper Project sa listahan ng mining priority areas nito.

Noong Marso 1996, million cubic meters ng contaminated mine tailings mula sa Tapian Pit ng Marcopper ang pumatay sa Boac River. Bago iyon, ilang dekadang nagtapon ng tailings ang Marcopper sa Calancan Bay sa Barangay Ipil sa bayan ng Santa Cruz.

Oktubre 2005 naman nang pagtibayin ng Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque ang isang resolusyong nagdeklara ng 50 taong large-scale mining moratorium sa lalawigan.

Nang sumunod na taon, inilunsad ang Marinduque Declaration. Noong Marso 2006 naman, may 13,000 Marinduqueño na nakasuot ng itim ang nagtipon sa Boac—ang capital ng Marinduque–upang gunitain ang ika-10 anibersaryong ng Boac River Disaster.

Kaya naman ang pagkakatanggal ng Marinduque sa listahan ng pamahalaan ng priority mining projects ay isang malaking tagumpay para sa mga mga Marinduqueño.

“This is a product of the people’s strong solidarity and unity in their struggle for environmental and economic justice. But this is also a challenge to every Marinduqueño and their public officials to come together and design or come up with clear and feasible sustainable development blueprint for the province that is not dependent on mining,” wika ni Myke Magalang, executive secretary ng MACEC.

Pero sa kabila ng annoucement na ito, patuloy pa ring hinihintay ng MACEC at ng mga Marinduqueñol ang opisyal na pahayag ng Pangulo tungkol sa bagay na ito. Mahirap na nga naman, dahil alam na natin ang rekord ng kasalukuyang administrasyon pagdating sa pagsasabi ng katotohanan. Baka ang tagumpay ng People Power sa Marinduque ay mawalan din ng bisa. Huwag naman sana.

(Pinoy Gazette)