Ang samu’t saring kulay ng liwanag at lakas ng ingay ng Bagong Taon sana ang mas magandang talakayin sa munti kong espasyo rito sa Pinoy Gazette ngayong kapapasok lamang ng 2007. Ngunit sa kalaliman ng gabi ilang araw bago matapos ang taon, may naganap na isang kasuka-sukang krimen.
Noong gabi ng Disyembre 29, 2006, habang abala ang madla sa paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon, palihim namang inilipat ng mga kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) mula sa Makati City Jail patungong US Embassy ang Amerikanong sundalong si Daniel Smith, na nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong panggagahasa sa isang Pilipina.
Pero dahil may pakpak ang balita at may tenga ang lupa, makakalusot ba ito sa media? Pero di malaman ng madla kung paano naganap ang paglipat. Biyernes na gabi iyon, at wala namang ipinalabas na kautusan ang Korte na ilipat si Smith.
Nang ibaba ni Judge Benjamin Pozon ng Makati Regional Trial Court ang desisyon noong Disyembre 4, iniutos din niyang pansamantalang ikulong sa Makati City Jail si Smith habang wala pang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng US kung saan ikukulong si Smith. Ayon kasi sa Article 5 Section 10 ng Visiting Forces Agreement (VFA), ang magiging kulungan ng mga Kano sa Pilipinas ay dapat pagkasunduan muna ng gobyerno ng dalawang bansa.
Nang umalma ang mga abogado ni Smith at inilatag ang Article 5 Section 6 ng VFA na nagsasabing nasa US ang custody ng mga Kanong nakasuhan sa Pilipinas hanggat di pa tapos ang lahat ng judicial proceedings,. pinanindigan ni Pozon na tapos na ang kaso dahil nahatulan na si Smith. Iniakyat ito ng mga abogado ng Kano sa Court of Appeals ang reklamo nila, pero tumanggi ang Korte na pigilan ang pagpapatupad sa utos ni Pozon.
Iisa lamang ang posibilidad na papasok at papasok sa kaisipan ng lahat—Palasyo ay may pakana nito. Malamang ay napraning dahil kinansela ng US ang Balikatan exercises. Pero nakabibingi ang katahimikan ng ng Pangulo at ng kanyang rah-rah boys nang gabing iyon. ’Di tuloy malaman ng bayan kung saan susuling para sa tamang impormasyon.
Ang tanong ng kampo ni Nicole: Hindi na ba inirerespesto ng Palasyo ang mga korte sa Pilipinas?
Ganito naman ang tila silang plakang paulit-ulit na sinabi ng US Embassy:
“The U.S. Embassy in Manila confirms that Lance Corporal Daniel Smith has been transferred from the Makati City Jail back to U.S. military custody, consistent with the terms of the Visiting Forces Agreement (VFA), an international bilateral agreement that is binding on both the United States and the Republic of the Philippines.â€
Nakalipas na ang Bagong Taon nang magpaliwanag ang Department of Foreign Affairs tungkol sa eskapo: Ipinatupad daw ng DILG ang legal opinion ng applying the Department of Justice’s tungkol sa kasunduang pinirmahan nina Foreign Sec. Alberto Romulo at US Ambassador Kristie A. Kenney noong Disyembre 22. Ang suma total, inulit lamang ng pahayag ng DFA, sa mas mahaba at detalyadong pamamaraan, ang sinabi ng US Embassy na tinupad lamang ng gobyerno ng Pilipinas ang obligasyon nito sa VFA. Pero walang banggit ang paliwanag ng DFA sa pagsang-ayon ng CA sa kautusan ni Pozon. Deadma lang, ’ika nga.
Bagong taon, bagong gahasa. Ginahasa ni Smith si Nicole, kinukubababawan naman ngayon ng mga tanggapan sa ilalim ng Pangulo ang mga Korte ng ating bansa.
Para sa mga reaksyon, mag-email lamang sa ederic @ gmail.com o bumisita sa http://ederic.tinig.com.
(Pinoy Gazette)