Isa si Ma’am Chit Estella sa mga alumni at dating pangulo ng UP Journalism Club na ang mga pangalan ay inilalagay namin noon sa recruitment posters na ipinapaskil sa kampus. Isa siya sa mga iginagalang na pangalan sa peryodismo at tinitingala naming noo’y mga estudyante sa UP College of Mass Communication (UP CMC).
Hindi kami naging malapit na magkatrabaho, pero lagi akong may kaugnayan sa mga institusyong bahagi siya, at nanatili siyang isa sa mga hinahangaan kong peryodista. Labis kong ikinalungkot ang pagpanaw niya sa isang aksidente noong Mayo 13.
Naging managing editor si Ma’am Chit ng diyaryong tinatawag kong “mother studio” – ang Manila Times ng dekada 90. Katuwang siya ng noo’y editor-in-chief at kapwa UP JournClub alumna na si Ma’am Malou Mangahas sa pagsusulong ng makabuluhan at malayang pamamahayag. Apat na summer akong nagsanay sa ilalim ng kanilang grupo, at sa Times ko unang naranasan ang pagiging totoong peryodista.
Nahati ang kahanga-hangang grupo ng Times editors nang mag-apologize ang mga may-ari ng diyaryo sa noo’y Pangulong Joseph Estrada dahil sa isang istoryang kinainisan ni Erap. Kabilang si Ma’am Chit sa mga nag-resign bilang protesta, samantalang sina Ma’am Malou ay nanatili. Pagka-graduate, nakasali pa ako nang ilang buwan sa Times bilang correspondent hanggang sa magsara ang diyaryo noong Hulyo 1999.
Pagkatapos noon, naging punong patnugot si Ma’am Chit ng Pinoy Times, ang matapang na Tagalog tabloid ng Inquirer founder na si Eugenia Apostol. Isa ang Pinoy Times sa mga nagbunyag sa mga eskandalo sa rehimeng Estrada. Bagamat pinalampas ko ang pagkakataong maging reporter, nag-ambag naman ako ng opinion pieces para sa kanilang youth column. Minsan din akong nakadalaw opisina nila sa Kamuning at nakahingi ng pahintulot nina Ma’am Chit na mai-reprint ang isang istorya nila sa website kong Tinig.com.
Inirepost ko rin sa Tinig.com ang articles sa Yonip.com ng kabiyak ni Ma’am Chit na si Prof. Roland Simbulan, isang makabayang guro sa UP Manila at advocate ng kapayapaan at kasarinlan. Nagkakilala sila ni Ma’am Chit sa Philippine Collegian.
Aniya, minsan daw ay may staff ng isang senador na nagbigay kay Ma’am Chit ng P5,000 sa isang presscon. Walang pag-aalinlangang ibinalik niya ito na may kasamang sulat sa senador. “Her compassion for victims was natural. She was consistent in her ethics. She was gentle but had the inner strength. How can you not love such a woman?” ani Sir Roland.
Nang magsara ang Pinoy Times, nagturo si Ma’am Chit sa UP CMC at sa Ateneo. Naging editor din siya ng Philippine Journalism Review Reports. Inilalathala ito ng Center for Media Freedom & Responsibility, na dati ko ring pinagtrabahuhan bilang staffwriter sa ilalim nina Melinda Quintos-de Jesus at Prof. Luis Teodoro, dating UP CMC dean.
Itinayo ng grupong kinabibilangan nina Prof. Chua, Booma Cruz, Luz Rimban, Jennifer Santiago, Ellen Tordesillas, at ni Ma’am Chit ang Vera Files, isang news organization na tumatalakay nang malaliman sa mga isyu. Content partner sila ng Yahoo! Philippines, kung saan ako nagtatrabaho ngayon.
Ayon sa kaibigan at kasamahan niyang si Prof. Yvonne Chua, 2005 nang mag-apply bilang full-time faculty member sa UP CMC si Ma’am Chit, na kilala bilang Prof. Lourdes Simbulan sa school. Nang pumanaw si Ma’am Chit, adviser siya ng JournClub, na nagsabi sa kanilang pahayag: “She was always a mother to us, ready to answer our questions, reminding us to take care of applicants, imparting constructive criticism.”
Sa paglisan ni Ma’am Chit, nawalan ang bansa ng isang mahusay, mapagkalinga at may prinsipyong guro at mamamahayag. Ngunit nawa, ang kanyang buhay at kasaysayan ay magluwal ng marami pang tulad niya.
(Pinoy Gazette)