Nakadilaw akong pumasok sa Lola Idang’s para magtanghalian noong Linggong nakipagbakbakan ang ating Pambansang Kamao, si Manny Pacquiao, sa Amerikanong boksingerong si Shane Mosley. Magsisimula na noon ang laban, pero dahil di ako masyadong natutuwa sa sabong ng mga tao saka wala naman akong cable at pay-per-view, sa Internet ko na lang minonitor ang laban. Nag-liveblog ang Yahoo! Philippines at may blow-by-blow updates din ang Twitter users.
Paglabas ko sa bahay, tinitingnan ko kung may mga ibang taong nakadilaw rin. Bago kasi ang laban, ini-anunsiyo ni Pacquiao na dilaw na gloves ang gagamitin niya bilang simbolo ng pagkakakaisa ng mga Pilipino sa paglaban sa kahirapan. Nanawagan din siya sa mga manonood ng laban sa Las Vegas, gayundin sa mga kababayan sa Pilipinas, na magsuot ng dilaw sa araw ng pagtutuos nila ni Mosley.
Dinala naman ng GMA Network, ang home network ni Pacman, ang kampanya sa Internet sa pamamagitan ng yellow gloves Twibbon campaign. Hinikayat nila ang Pinoy netizens na maglagay ng yellow gloves sa kanilang Twitter at Facebook avatars.
Siyempre, ang kabiyak ni Manny na Jinkee ay nakiisa sa kampanya ng kanyang asawa. Dilaw na hikaw ang isinuot niya sa araw ng laban. Pero ang dilaw na hikaw rin ang naging mitsa ng maraming pagpuna sa mag-asawa. Napaulat kasing pitong milyong piso ang halaga nito. Sabi nga ng isang kaibigan ko sa Twitter: “Yellow gloves to fight poverty. Jinkee wearing earrings worth 7M. What is wrong with this picture?” Na-retweet nang maraming ulit ang tweet na ito. Marami pang ibang nagsulat tungkol sa kabalintunaan ng sitwasyon.
Nang i-retweet ko ang comment na ito, may sumagot sa akin ng “so what?” Para naman sa iba, walang masama sa pagsusuot ni Jinkee ng napakamahal na hikaw bilang simbolo ng paglaban sa kahirapan. Alam naman kasi ng lahat na hindi galing sa pagnanakaw ang ipinambili nito. Ang totoo niyan, pinaghirapan talaga ni Pacquiao ang lahat ng karangyaang tinatamasa nila. Literal na dugo at pawis sa bawat laban sa boksing ang puhunan niya rito.
Naalala ko sa isyung ito ang kontrobersyal na pagbili ni Pangulong Noynoy Aquino ng previously used Porsche ilang buwan na ang nakalilipas. Naniniwala rin ang lahat na personal na pera ng pangulo ang ginastos sa mamahaling sasakyan. Kaya naman para sa mga tagasuporta niya, walang masama sa kanyang ginawa. Ngunit para sa iba, insensitive ang ginawa ng presidente. Kakaiba lang kasing habang naghihirap ang mga kababayang itinuturing niyang boss, bibiyahe naman sa mamahaling sasakyan ang pangulo.
Ganito rin ang pagtingin ko sa usapin ng marangyang porma ni Jinkee. May karapatan silang gastahin ang sarili nilang pera sa anumang paraang gusto nila. Dahil sa bunga ng paghihirap at pagsisikap ang kanilang yaman, deserving silang i-enjoy ito. Dapat din silang purihin dahil sa pagtulong sa kapwa nila. Si Pacquiao ay may mga iskolar na pinag-aaral.
Pero dahil isa ring public official si Pacquiao, kailangan ding iwasan nila ang lantaran at pampublikong pagpapakita ng kanilang karangyaan, lalo na sa mga kampanya at gawaing kaugnay ng paglaban sa kahirapan.
(Pinoy Gazette)