Gumising noong Abril 17 ang mga tagahanga ni Antonello Joseph Sarte Perez — mas kilala bilang AJ Perez — sa balitang wala na ang kanilang idolo. Pabalik na si AJ sa Maynila mula sa isang pagtatanghal sa Dagupan nang mag-overtake at bumangga sa isang Partas bus ang sinasakyan niyang van. Wala nang buhay ang batang aktor nang dumating sa ospital.
Ipinanganak noong Pebrero 17, 1993, labingwalong taong gulang pa lamang si AJ nang siya’y pumanaw. Bikolana ang kanyang ina at Ilonggo ang kanyang ama. Nagsimula siya bilang commercial model at lumabas sa patalastas ng mga produktong gaya ng Milo, Colgate, Pepsi, Sun Cellular, Ayala Land, at Globe. Siya rin daw ang nagpauso ng “ye-bah!” sa advertisement ng UFC Banana Ketchup.
Noong 2006, nagsimula ang kanyang pag-aartista nang maging bahagi siya ng Star Magic Batch 13. Lumabas na siya sa ilang pelikula gaya ng “Kasal, Kasali, Kasalo,” “Sakal, Sakali, Saklolo,” “BFF: Best Friends Forever,” at “Ang Tanging Pamilya: A Marry Go Round.” Sa telebisyon, napanood siya mga palabas kabilang ang “Abt Ur Luv,” “Lobo” at “Agua Bendita.”
Inuna ni AJ ang edukasyon – kaka-graduate lamang niya ng high school sa La Salle Greenhills kaya ngayon pa lamang nagningning ang kanyang bituin. Katunayan, kakatapos lamang ng kanyang hit na telenobelang “Sabel,” at naging bida siya noong isang taon sa pelikulang “Cinco.” Nakatakda rin sana siyang gumawa ng pelikula kasama ang cast ng “Mara Clara.”
Kabilang si AJ listahan ng “Showbiz’ Next Big Thing” ng YES Magazine. Ani Johnny Manahan ng Star Magic, “If he [AJ] gets the right break, he’d be like a Rico Yan.” Sa kasamaang palad, si AJ ay naging gaya nga ni Rico – na isa ring Star Magic talent at La Sallista — maagang binawian ng buhay sa panahon ng Semana Santa habang natutulog.
Sabi ko sa Twitter, “The younger ones now have their own Rico Yan.” Si Rico ang isa sa mga idolo ng aming kapanahunan, pero apektado rin ako ng pagpanaw ni AJ. Ilang linggo bago siya mawala, naghahanap pa kami sa opisina ng larawan niya dahil itanampok siya sa “Popular Celebrity Searches” ng Yahoo! Napansin kong unti-unti nang sumisikat ang batang ito, at lubhang nakapanghihinayang ang kanyang paglisan habang unti-unti na niyang inaakyat ang tagumpay.
Sinundan ko ang pagluluksa ng kanyang mga mahal sa buhay. Si AJ ay isang “happy soul,” anang kaibigan niyang si Sam Concepcion. Nararamdaman ko ang kawalan ng kanyang mga kaibigan at kabarkada. Kasing bata nila kami nang ipagluksa rin namin ang pagpatay sa isa naming kaibigan, si Niño Calinao.
Maaalala si AJ bilang idolo at inspirasyon: crush ng bayan, mapagmahal na kapamilya, palaaral na estudyante, mabuting katrabaho, at malinis na kabataan. Wika nga ni Direk Joey Reyes: “AJ brought a possibility that decency can exist in a business that has been corrupted and so capable of corrupting. Until his very last day, as he was coming home from work, exhausted as he lay asleep on that fatal van, AJ was untouched by the dirt of the business, opting to preserve his decency and dignity.”
Ang larawan ay mula sa Facebook page ni AJ Perez.