Libu-libo ang nakapanood sa YouTube ng video ng isang batang lalaking kumikiwal-kiwal sa saliw ng musika. Umiiyak ang bata habang sumasayaw na parang munting macho dancer, at nagkakatuwaan naman ang mga nanonood sa kanya. Galing ito sa March 12, 2011 episode ng “Willing Willie,” ang palabas ni Willie Revillame sa TV5. Ang batang sumasayaw sa video ay si Jan-jan, anim na taong gulang. Contestant siya sa isang segment ng show.
“Ganyan ho ang hirap ng buhay ng tao. [Si] Jan-Jan, siyempre nagsasayaw siya bilang isang macho dancer sa edad niyang yan, para sa kanyang mga mahal na pamilya. Pinahanga mo ako Jan-Jan…” ani Willie matapos sumayaw ng bata.
Sa gabing iyon, binigyan ni Willie ng premyong sampung libong piso si Jan-Jan, at ilang beses pa niyang pinasayaw ang bata. Sa huli, pinapuwesto si Jan-Jan sa isang umaangat na pedestal habang kumikiwal-kiwal at ang host at mga kasama niya ay nakapaligid sa sumasayaw na bata.
Ang pagkalat ng video ay nagbunsod sa ilang concerned netizens upang magpahayag ng protesta sa anila’y pang-aabuso ni Willie sa bata. Tinawag nila ang pansin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Human Rights (CHR), Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at iba pang ahensiya ng gobyerno, pati na rin ang pribadong sektor. Sa Internet, binuo ang mga Facebook page gaya ng “Para Kay Janjan” at kinondena ng maraming Twitter users, kabilang ang ilang artista, ang nangyari sa bata.
Sa isang liham naman kay Manny Pangilinan, chairman ng ABC Development Corporation na nagpapatakbo ng TV5, sinabi ni DSWD Sec. Dinky Soliman na base sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, hindi maipagkakamaling child abuse ang nangyari kay Jan-Jan.
Nang lumabas sa “Willing Willie” ang mga magulang ng bata, itinanggi nilang may nangyaring child abuse. Gusto raw ni Jan-Jan ang ginawa niya, at sinusunod lamang nila ang kagustuhan ng bata na ma-discover. Naglabas ng apology ang TV5, at sinabing may pahintulot ng mga magulang ang pagsasayaw ni Jan-Jan.
Kinondena rin ng Commission on Human Rights ang “Willing Willie,” at sinabing ang pagpayag ng mga magulang ni Jan-Jan na ilagay sa kahiya-hiyang kalagayan ang bata ay pang-aabuso sa kanya. Nagsasagawa rin ng pagsisiyasat ang MTRCB.
Nag-pull out naman ng kanilang mga patalastas sa palabas ang Mang Inasal ng Jollibee, Del Monte, at Procter & Gamble. Kinansela rin ng Cebuana Lhuillier ang sponsored segment nila. Pagkatapos nito, inianunsiyo ni Willie na dalawang linggo munang mawawala sa ere ang “Willing Willie” habang pinag-iisipan niya kung babalik pa siya. Inatake rin niya ang kanyang mga kritiko at ipinagmalaki ang mga naitulong niya sa kapwa tao.
Hindi pa rito natatapos ang istorya nina Jan-Jan at Willie. Habang isinusulat ito, nagpapatuloy ang kwento at di pa natin alam ang kahihinatnan nito. Isa lamang ang malinaw: maaaring para kay Willie at sa mga tagahanga niya, nagkakatuwaan lang sila nang maging tila munting macho dancer ang bata. Ngunit para sa maraming Pilipino, ang mga ganitong gawa ni Willie ay hindi kawili-wili.
(Pinoy Gazette)