Matapos ang malakas na lindol sa Japan at ang kasunod nitong tsunami, naapektuhan ang nuclear plant sa Fukushima. Bunsod nito, kumalat at nakaabot pa sa Pilipinas ang pangamba ng nuclear radiation leak.
May kumalat ditong text messages na nagsasabing ang mga tao ay di dapat lumabas ng bahay, isara ang mga pintuan at bintana, at magpahid ng betadine sa leeg dahil ang thyroid ang una raw aatakehin ng radiation. Sa ibang version naman ng text messages, sinabing maaari raw magkaroon ng acid rain na makakasunog ng balat o maaaring magdulot ng pagkalagas ng buhok at kanser.
Sinabi na ng DOST na kalokohan lamang ang text messages na ito, pero marami pa rin ang naniwala at nag-forward. Nagkansela pa nga ng klase ang Polytechnic University of the Philippines. Ani Dante Guevarra, pangulo ng PUP, kahit duda rin siya sa kumalat na text messages, minabuti raw niyang pauwiin na lang ang mga estudyante dahil na rin sa kahilingan ng mga magulang na tumatawag sa pamantasan.
Bilang reaksyon sa pagkalat ng maling impormasyon, naglabas ng isang report ang satire news website na Mosquito Press. Ang mga report ng Mosquito Press ay isinusulat na parang totoo at seryosong balita, pero imbento lamang at may patama o kaya’y komentaryo sa mga kasalukuyang usapin. Sa ulat na ito, sinabing sa isang pag-aaral daw ng Harvard University, natukoy ang mga Pilipino bilang pinaka-utu-uto (o gullible) sa buong mundo:
“OMAHA — According to a study released by the Harvard Institute of Socio-Political Progression (HIS-PP), the Philippines ranks first among the world’s most gullible races.
“The study involved content analyses of over 500,000 historical documents from 300 different societies. The documents were then evaluated according to a quantitative metric called the Gump Index.”
Kumalat sa Internet ang fake news na ito ng Mosquito Press, at pagkalipas ng ilang araw ay ginamit ito ni Carmen Pedrosa, isang beteranang kolumnista ng The Philippine Star. Ang sabi niya tungkol sa report:
“This is a serious allegation we should not ignore. For those who do not have access to the internet I found this item in a blog called ‘The Mosquito Press.’ It may seem like a trivial source but according to the authors the study involved ‘content analyses of over 500,000 historical documents from 300 different societies. So we better take it seriously.
“We are gullible because we are not able or do not question information. We prefer to believe what other persons tell us,” dagdag pa niya sa dulo ng kanyang kolum.
Naging paksa ng katatawanan online ang kabalintunaan ng komento ni Pedrosa. Itinampok ng Mosquito Press ang screenshot ng kolum niya sa ilalim ng pamagat na “When journalists fact-check.” Pero ipinagkibit-balikat lamang ito ng kolumnista. Sa dulo ng kanyang kolum kinabukasan, may idinagdag siyang isang talata:
“Whether or not there was such a study by Harvard that ‘Filipinos are the most gullible people on earth’ is less the point than whether it is true that Filipinos are gullible most of the time. This gullibility is especially harmful during elections. The Mosquito Press (according to Wikipedia, the name assumed by Philippine Collegian during martial law) has thought of a clever way to teach Filipinos not to be gullible so I put it up as the title of my column yesterday.”
Iilan lamang sa atin ang gaya ni Pedrosa ay may status at tiwala sa sarili para deadmahin lang ang ganitong pagkakamali. Kaya hangga’t maaari, bago natin ikalat, isulat, o ipasa ang isang impormasyon, tiyakin muna nating mapagkakatiwalaan ang pinagkunan nito.
(Pinoy Gazette)