Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan sa panahong mabasa ninyo ang artikulong ito. May gulat at takot na sinundan namin ang sunud-sunod na masasaklap na pangyayari diyan sa Japan sa nakalipas na mga araw. Nag-aalala kami para sa inyong mga kababayan namin. Nakikidalahamhati rin kami sa mga nawalay sa mga kapamilya, kaibigan, at kakilala dahil sa lindol, tsunami, at pagtagas ng radiation mula sa Fukushima nuclear power plant.

Sabi sa mga pinakahuling ulat, aabot na 9,000 ang binawian ng buhay dahil sa trahedyang ito. Dalawa sa mga biktima ay mga Pilipino. Nakakalungkot ang mga balitang ito.

Pagkatapos ng malakas na lindol diyan, napraning na kaming mga narito sa Pilipinas, lalo na sa Kamaynilaan. Noong isang gabi, isang lindol ang naramdaman dito. Pagtingin ko Twitter timeline ko, sunud-sunod na updates tungkol sa pagyanig ng lupa ang nabasa ko. Nakakatakot. Tila hindi kasinghanda ng Japan ang Pilipinas sa maaaring sakuna.

Sa kabila ng kaba, lubos ang paghanga ng marami sa ating mga kababayan sa katatagan at pagiging marangal na ipinakita ng mga Hapones sa gitna ng trahedya. Mula sa pagiging handa at kalmadong reaksyon sa lindol hanggang sa maayos na mga pila sa mga tindahan, nakita ang pagkakaiba ng mga Hapones sa mga Pilipino.

Sa kuwento ng GMA News reporter na si Chino Gaston, wala silang nakilala ni isa mang Hapones na gustong umalis sa lungsod ng Sendai na sinalanta ng tsunami. Sa gitna ng krisis, may mga estudyanteng namimigay ng pagkain, at may mga batang nagtatanggal ng mga kalat sa daan. Nang pabiro niyang sabihin sa Hapones na nagmamaneho ng kanilang van na kumuha na lang ng gasolina mula sa mga nakatiwawang na sasakyan, napahiya raw sila sa sagot ng tsuper: Hindi siya gagawa nang ganoon dahil ayaw niyang mapasama sa impiyerno.

Walang iwanan at walang lamangan. Kahit sa gitna ng kadiliman, ganyan ang pagpapahalagang nakita natin sa mga mamamayan ng lupain ng sumisikat na araw.

Ayon kay UP Prof. Michiyo Yoneno-Reyes sa panayam sa kanya ni Jessica Soho sa State of the Nation ng GMA News TV, pinahahalagan kasi nilang mga Hapones ang Budistang paniniwala na ang pagiging matapat at pagpapakasakit ay para rin sa kanilang kapakinabangan pagdating ng wakas. Nagkaroon din daw noong ng programa ang pamahalaan na nagtatalagang ang magkakapitbahay sa isang pook ay babantayan at tutulungan ang bawat isang sambahayan. Mayroon din daw na regular na mga earthquake drills sa iba’t ibang antas ng pamayanan.

Kakaiba ng kanilang pagkakaisa, disiplina at tiwala sa kanilang pamahalaan. Dahil din kaya ito sa pagkakaroon ng seremonyal na pinuno — ang emperor? Kumbaga, may isang lider silang tininitingala at inaasahan. O marahil ay gawa ng prinsipyo ng “wa” o “harmony” na nakaukit na sa kanilang kultura?

Anuman ang dahilan ng kahanga-hangang katatagang ito ng mga Hapones — na unti-unting bumubura sa dating pagtingin natin sa kanila dahil sa nakalipas — ang mahihiling na lang natin ay makuha rin ito ng mga Pilipino. Sa gayon, mas lalo nating maisabuhay sa panahon ng krisis at mapagyaman ang mga ipinagmamalaki nating konsepto ng kapwa at bayanihan.

At siyempre, ipinagpapasamalamat at ipinagdarasal natin sa Panginoon ang patuloy nating kaligtasan — para sa inyo diyan sa Japan, at dito rin sa amin sa Pilipinas.

(Pinoy Gazette)