Ilang araw matapos ang aking kaarawan at ilang oras bago ako muling makipagpambuno sa aking panulat, nakipagkita ako sa dalawang kaibigan. Isa sa kanila’y ka-batch ko sa Unibersidad ng Pilipinas, at ang isa ay kaibigan sa cyberspace. Matagal-tagal na rin nang huli akong umupo at nakipagkwentuhan sa isang kasabayan ko sa kolehiyo.
Kung noon, mahigit isang dekada na ang nakalilipas, ay college paper at campus politics ang aming pinag-uusapan at pinagkakaabalahan, kagabi ay trabaho’t peryodismo at gobyerno’t pulitika na ang aming paksa. Sa palagay ko nga, nagmukha akong tanga sa na buong panahon ng kuwentuhan ay nakatawa’t namamangha. Nakakatawa’t nakakatuwa, nakaka-senti at oo, nakakamangha, ang paglipas ng panahon. Gaya ng lagi kong sinasabi, tayo pa rin ang mga taong tayo maraming taon na ang nakalipas, pero parang ibang-iba na rin tayo. “Walang Nagbago,” sabi nga ng Eraserheads sa isang kanta. Pero hirit din nila sa “Para sa Masa”: Marami na rin ang mga pagbabago / Di maiiwasan pagkat tayo ay tao lamang.
Siyempre, bukod sa kumustahan habang naghahapunan, may kasamang updates sa mga dating kaklase’t mga naging kabarkada’t kaibigan. Nasaan na si ganito’t ganoon na nga ba si kuwan? Sino na ang pamilyado’t kailan ikinasal si Maria at si Juan?
Dahil mas bata nang konti kaysa sa amin ang aming kasama, nagkabuskahan din nang konti sa edad. Kapwa kami laglag na sa kalendaryo ng kaklase ko. (Siyanga pala, noong isang taon ko lamang na-realize kung saan nanggaling ang “wala na sa kalendaryo.” Akala ko noon, ibig lang sabihin nito ay nagkakaedad na. Natawa na lamang ako nang mapag-isip-isip kong 31 lamang ang pinakamaraming araw sa isang buwan. Pag lumagpas ka na rito, wala ka na sa kalendaryo.)
Anu’t anuman, bukod sa paglubha ng pagiging senti, ang pagdagdag ng bilang ng taon – na nangyari na naman sa akin nitong nakalipas na linggo – ay may kasama ring bentahe: habang nagkakaedad, nakakakalap tayo ng mas maraming karanasan. Mas lalo nating nakikilala ang ating sarili at kung ano ang ating pagpapahalaga at pinakapinahahalagahan. Nagbabago rin ang pagtingin natin sa buhay, at mas lumalawak ang ating isipan. Ang paraan natin ng pakikisangkot sa lipunan ay maaaring magbago rin, ngunit di kinakailangang mapugnaw ang apoy ng ating mga adhikain. Pinapanday ng mga taon ang ating pasensiya, at kapag sinusuwerte, dinaragdagan din nito nang konti ang laman ng bulsa. Sa paglipas ng panahon, natututo rin tayong sumulong at ipaglaban ang nararapat sa atin – sa mga pakikipagrelasyon man o sa ating trabaho.
Habang tumatanda tayo, mabuti siguro mapadalas ang mga ganitong kitaan gaya ng ginawa namin kagabi. Masaya ang pakiramdam na sa kabila ng napakaabalang buhay, kapwa kayo nakahanap ng panahong magkita’t magkasama. Ang mga ganitong pagkakataon, para sa akin, ay parang pagsalok ng tubig mula sa balon ng kahapo’t nakalipas nating kabataan.
(Pinoy Gazette)