Noong mas bata pa ako, may ilusyon akong reincarnation ako ni Jose Rizal. Gaya niya, ninais ko ring maging doktor, manunulat, pintor, makata — at babaero. ‘Yun nga lang, ang nakuha ko sa kanya ay ‘yung parteng laging basted — o nauunsyami ang love life.

Pero sa bandang huli, nakilala ko si Myla, isang binibining sa murang edad ay nangako sa sariling ang mamahalin niya’y isang lalaking kagaya ng ating pambansang bayani. Yun nga lang, hindi ko maipaliliwanag kung paano ko siya nakumbinsing ako ang hinahanap niya. Siguro, dahil gaya ni Rizal, di ako kalakihang tao. O baka naman nakalimutan na lang niya ang lumang pangako niya.

Kapwa kami excited sa pagsapit ng pag-alaala sa ika-150 kaarawan ni Rizal. Nagbalak pa kaming pumunta sa Luneta para makiisa sa pagdiriwang, pero umeksena si “Egay,” na nagdala ng pabalik-balik na ulan sa Kamaynilaan. Online na lang ulit ang kontribusyon ko sa mga pagdiriwang. Si Myla naman ay tumutok na lang sa pag-aayos ng mga istorya tungkol kay Rizal na ipapalabas nila sa telebisyon.

Sa gitna ng mga film showing, book launch, fun run, lecture, at iba pang gawain para sa Rizal @ 150, naisip ko lang na sana’y lumampas sa pagiging sentimental at lip service lang ang lahat ng ito. Napakadali kasing magsuot ng Rizal t-shirt, magbasa ng mga babasahin at makinig sa mga kanta tungkol sa kanya, at kung anu-ano pa. Pero pagkatapos ng mga ito, ano?

Sabi nga ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang talumpati: “Hindi po lahat ay pinapalad na tawagin upang magbuwis ng buhay para sa bayan. Subalit para sa nakararami, nasusukat ang pagkabayani sa araw-araw nating pagharap sa maliliit na sangandaan: Ang pagsunod sa batas, ang paggalang sa kapwa, ang paggawa ng tama sa sinumpaan nating mga tungkulin, at ang manindigan sa atin pong prinsipyo.”

Magsilbi nawang inspirasyon ang buhay at kamatayan ni Rizal sa pagtahak natin sa matuwid na landas na pangarap ng ating pangulo.

Samantala, binalikan ko rin ang “Veneration Without Understanding” ni Renato Constantino, isang makabayang mananalaysay. Ayon kay Constantino, kung paanong nakinabang tayo sa mga magagandang katangian ni Rizal, mahalaga ring pag-aralan natin ang kanyang mga kahinaan at matuto mula rito.

Sa kanyang “Our Task: To Make Rizal Obsolete,” ipinahayag din ni Constantino ang pagnanais na dumating ang panahong babasahin na lamang natin ang mga akda ni Rizal bilang pag-alaala sa nakalipas, at di bilang salamin ng kasalukuyang mga problema ng bayan.

Kapag nakumpleto na natin ang gawain at adhikain ni Rizal at narating ang Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng tuwid na landas, di na natin kakailanganing maghanap ng mga bayaning tulad niya. Sa panahong iyon, aalalahanin at pararangalan na lang natin siya kasama nina Andres Bonifacio at marami pang ibang nabulid sa dilim ng gabi habang nag-aalay sila ng buhay para sa adhikaing nagdala sa atin sa pangarap na iyon.

Maabutan nawa namin ni Myla — nating lahat — ang panahong iyan.

(Pinoy Gazette)