Kamakailan ay naging saksi ako sa katuparan ng isang pangarap. Malaking bagay ito sapagkat ang kaganapang ito’y kakanlong at magpapayabong sa marami pang mga pangarap.
May tinatapos ako nang weekend na iyon nang mag-tweet si Andrew Wolff, ang makisig at maalalahanin kong pinsan. Papunta raw siya kay Efren Peñaflorida, Jr. sa Cavite. Araw iyon ng pagbubukas ng Kariton Building ng organisasyon ng Pilipinong CNN Hero. Dahil kaladkarin ako nang araw na iyon — at talaga namang bilib sa Dynamic Team Company (DTC) ni Kuya Ef — agad akong sumagot na sasama ako. Mahaba-haba ang biyahe namin dahil sa trapik. Itinuloy na lang namin habang kumakain ng libre niyang McDo meal ang mga kuwentuhan at talakayang kadalasa’y sa YM at Twitter lang namin ginagawa. Natawagan pa namin si Tita Mila at nagkumustahan sila.
Malapit nang dumilim nang makarating kami sa Cavite City. Nahanap din namin ang Kariton Building matapos ang ilang pagpaikut-ikot. Tapos na ang programa, pero naroon pa rin ang mga bata. Ipinakilala kami ni Kuya Ef sa kanyang mga kasamahan at inilibot kami sa tatlong palapag na gusali na tinatawag ding KarBuil, short for Kariton Building, dahil ang disenyo ng gusali ay parang isang malaking kariton.
Mayroon itong activity area na maaaring pagdausan ng mga pagsasanay at siya na ring silid-aralan. Nasa itaas naman ang aklatang naglalaman ng mga libro, telebisyon, at iba gamit sa pag-aaral. Mayroon ding opisina, kusina, bodega, silid-pulungan, roof deck at viewing deck, pati na rin tenant rooms sa KarBuil.
Isinama kami ni Kuya Ef sa viewing deck sa itaas ng gusali. Habang tinatanaw naming tatlo ang paligid na unti-unti nang nilalamon na ng dilim, hindi ko maiwasang mamangha. Nakatungtong kami sa isang gusaling nabuo mula sa isang pangarap: ang mithiing magkaroon ng malaking espasyo para sa mga gawaing hihikayat sa mga kabataang ituloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng maraming balakid. Nakatutuwang isipin na sa tulong ng bayanihan, suporta mula sa mga kaibigan, at maraming mga panalangin, nakatayo na ang Kariton Building.
Ayon kay Kuya Ef, ang Kariton Building ay hindi magiging isang pormal na paaralan, kundi gagamitin bilang tutorial center. Layunin ng DTC na mahikayat ang mga batang tinutulungan nila na maging mas intresadong matuto at mahalin ang kanilang pag-aaral.
Nang umakyat sila ni Kuya Ef para sa interview, nakipagkuwentuhan at nakipagkulitan naman kami ni Andrew sa mga bata. Nalaman naming ang DTC at ang mother organization nitong Club 8586 ay nagluwal ng mga bagong samahan ng mga kabataan na ang layunin ay tumulong sa iba pang mga kabataan. Nakilala namin sina Zhenkie ng Caring Children. Nasa high school pa lamang sila, pero mga leader na, at ang kanilang grupo ay may mga buhay na proyekto. Ang kanilang business manager, halimbawa, ay talagang may business: nagtitinda siya ng ice candy noong araw ng pagbubukas ng KarBuil. Ang kinikita nila sa mga ganoong proyekto ay ginugugol naman nila sa outreach activities gaya ng pamimigay ng mga gamit sa paaralan. Sobrang nakaka-inspire ang mga kabataang iyon.
Masaya at inspirado akong nakisakay ulit sa kotse ni Andrew pabalik sa Maynila nang gabing iyon. Maipagmamalaki naming nakausap namin si Kuya Ef, na idolo ng maraming Pilipino, at naging bahagi kami ng pagbubukas ng kanyang kariton ng mga pangarap. Nawa’y patuloy na lumawak ang kilapsaw ng kabutihang sinimulan ng grupo nina Kuya Ef.