Ginugol ko ang tatlong tag-araw ko sa kolehiyo na nagsasanay bilang isang reporter sa diyaryo. Bahagi ito ng benefits sa journalism scholarship program ng UP at Jardine Davies na nakuha ko sa tulong ng sakripisyo ng aking ina.

The Manila Times ang pinili kong diyaryo. Naroon ang ilan sa mga iniidolo kong journalists. Tuwing pasukan ay nag-aaral ako ng peryodismo sa UP, at tuwing tag-araw ay nararanasan ko ang buhay ng isang peryodista.

Mula sa police beat hanggang sa Congress beat, natuto akong maghanap ng balita, magsuri at magbasa ng mga dokumentol, makipag-usap sa mga source, at siyempre, magsulat ng report. Nag-iipon pa nga ako noon ng clippings ng mga nalathalang istorya na may byline at tagline ko.

Sa tatlong summer na ‘yon, nakakilala rin ako ng mga mas naunang mga mamamahayag — mula diyaryo, radyo, at telebisyon — na napakatiyagang umalalay, magturo, at magbigay ng pagkakataon sa mga bagitong gaya ko.

Pabiro kong sinasabi noon na ang Manila Times ay aking “mother studio.” Sa Manila Times ako magbabandila ng katotohanan. Doon ako magsusulat at mag-uulat. Sa Manila Times ko gustong magtrabaho, matuto ng marami pang mga bagay tungkol sa peryodismo, maging isa sa mga beteranong reporter, at pagdating ng aming panahon — kung ipagkakaloob ng pagkakataon — ay maging patnugot nito. Hindi naman bawal mangarap.

Pero bago ako magtapos sa kolehiyo, nagkaroon ng problema sa aking mother studio. Nagsampa ng P101-million libel case laban sa Manila Times ang noo’y pangulong si Joseph “Erap” Estrada.

Naglathala kasi ang Manila Times ng balita na nagsasabing “unwitting ninong” si Estrada sa isang umano’y maanomalyang kontrata ng gobyerno at ng Argentine firm na IMPSA. Binawi naman ni Erap ang kaso matapos humingi ng tawad ang mga may-ari ng Manila Times. Nagbitiw ang ilang patnugot at mga beteranong reporter. 

Nagkaroon noon ng debate sa journalism community kung alin ang tama: ang umalis bilang protesta sa panggigipit ng pangulo sa kalayaan sa pamamahayag, o ang manatili para ituloy ang laban para sa malayang pamamahayag at para sa kabuhayan ng mga empleyado ng kompanya.

Nag-alinlangan ako noon kung tutuloy pa ako sa Times. Nadismaya ako sa diyaryo at sa nangyari dito. Pero buo ang paggalang at paghanga ko kapwa sa mga patnugot na umalis at sa mga nanatili.

Sa huli, sinunod ko pa rin ang aking mga pangarap. Para sa akin, ang pagiging reporter sa Manila Times ang trabahong katumbas ng unang pag-ibig. Sa unang tag-araw ko pagkatapos ng kolehiyo — matapos ang may isang buwang pagbabakasyon sa pook na aking sinilangan — naging correspondent ako sa aking mother studio. Pero ‘di ko inakalang sandaling panahon lang ang ilalagi ko rito.

Sa araw na ito, 21 taon na ang nakalilipas, nalathala ang huling labas ng Manila Times. Binili ito sa mga may-ari ng isang grupong pumronta para sa para sa isang crony ni Estrada. Binangga ito ng jeep ni Erap.

Kinailangang mamili ng mga may-ari — ang Manila Times o ang kanilang mas malalaking negosyong patuloy na maaaring gipitin ng umiiral na rehimen. Noong panahong iyon, inatake naman ang Philippine Daily Inquirer ng ad boycott ng mga kaibigan ni Erap. Ginamit ng nasa Malacanang ang kapangyarihang ipinagkaloob ng taumbayan upang maisulong ang pansariling alwan. 

Nawala ang pinakauna kong trabaho. Gumuho ang aking matatayog na pangarap. Sa larangan ng karera, this was — ‘ika nga — my first broken heart. Ilang panahon akong nanatili lang sa loob tahanan kong malayo sa kabihasnan. Tulog ako sa araw, gising sa gabi, at halos ‘di lumalabas sa bahay. Ilang buwan pa ang lumipas bago ako naka-move on at nakahanap ng bagong trabaho.

Mahigit isang taon matapos ang pagkawala ng aming Manila Times, isa ako sa libo-libong mga Pilipinong sumama sa People Power 2 at nagmartsa mula EDSA patulong Mendiola hanggang sa magbitiw si Estrada.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center