Niyanig ng isang pagsabog sa House of Representatives ang dapat sana’y ordinaryo at payapang gabi ng sambayanang Pilipino noong gabi ng Nobyembre 13.

Kung kadalasa’y kontrobersiya at iskandalo lamang ang sumasambulat sa Kamara, nang gabing iyon ay totoong bomba ang sumabog at ikinamatay ng tatlong tao, kabilang si Basilan Rep. Wahab Akbar. Kinitil din ng pagsabog sina Marcial Taldo, driver ni Gabriela Party-List Rep. Luz Ilagan, at Maan Bustalino, staff ni Negros Oriental Rep. Henry Teves. Kapwa sugatan sina Reps. Ilagan at Teves.

Ayon sa unang pahayag ng pulisya, posibleng ang pagsabog ay isang personal na atake kay Rep. Akbar, na naging gobernador ng Basilan mula 1998 hanggang ngayong taon. Ang bomba raw ay maaaring inilagay sa isa o dalawang motorsikong nakahimpil katabi ng sasakyan ni Rep. Akbar.

Sari-sari naman ang haka-haka at kuru-kuro tungkol sa pambobomba.

Halos isang oras pagkatapos ng pagsabog, nagdaos ng indignation rally at candle lighting sa UP Diliman campus ang Anakbayan, isang organisasyon ng mga kabataang aktibista. Kinondena nila ang pambobomba. Ayon kay Anakbayan chairperson Eleanor de Guzman, ang sunud-sunod na pagsabog at mga ulat ng destabilization ay ginagamit lamang daw ng rehimeng Arroyo upang bigyang katuwiran ang lalong pagpapatupad ng anti-terrorism law, na tinutuligsa ng mga nagsusulong ng karapatang sibil.

Si Akbayan Party-List Rep. Risa Hontiveros naman, nagpahayag ng pangambang gamitin ito upang magdeklara ng martial law o state of emergency.

Noong isang buwan, 11 ang namatay at mahigit 100 ang nasaktan sa isa ring pagsabog sa Glorietta 2 mall sa Makati. Aksidente ang pagsabog, ayon sa pulisya. Ngunit ayaw itong tanggapin ng pamunuan ng Ayala malls.

“Is this meant to divert the people’s attention from the administration congressmen’s bastardization of the impeachment process?” tanong naman ng blog na Piercing Pens (www.piercingpens.net). Kababasura lang kasi ng House Committee on Justice ng supplemental complaint na ihinain ng oposisyon, at buong kakapalang tumangging mag-inhibit sa proseso ang mga congressman na napapaulat na tumanggap ng suhol mula sa Palasyo.

Ngunit ayon kay House speaker Jose De Venecia, walang kinalaman sa impeachment case ang pagsabog. Isa itong terrorist act, ayon sa kanya.

Samantala, sinabi naman ng Gabriela na ipinakita ng nangyari na maging ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay hindi ligtas sa mga pag-atake at misteryosong pagsabog.

Para naman sa mga ordinaryong taong tulad natin, paalala ito kung gaano karupok ang ating buhay at gaano kapursigido ang mga kaaway ng kapayapaan. Walang sinasanto ang mga mamamatay-tao. Umaatake sila kahit saan, kahit kailan at kahit sino ang masaktan.

Ipinapakita rin nito kung paanong walang katapusan ang cycle ng karahasan. Ang kawalang pagkilos o pagkunsinti ng rehimen sa mga pagpatay at pag-atake sa mga aktibista at peryodista, halimbawa, ay lalong nagpapalakas ng loob ng mga masasama upang patuloy na kumilos at maghasik ng takot at lagim.

Sa mga ganitong panahon, panalangin at pagkakaisa ang kailangan⁠ — ngunit hindi pagkakaisa para itaguyod ang umiiral na kaayusan, kundi pagkakaisa para isulong ang pagbabago at kapayapaan.

(Pinoy Gazette)